KAPULUNGAN, NAGPAABOT NG LUBOS NA PAKIKIRAMAY SA NAIWANG PAMILYA NG YUMAONG SI BAYANI FERNANDO
Pinagtibay ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang isang resolusyon na nagpapahayag ng kanilang lubos na pakikidalamhati at pakikiramay sa naiwang pamilya ng yumaong si dating Marikina City mayor at congressman, Bayani “BF” F. Fernando, na namayapa noong ika-22 ng Setyembre sa edad na 77 taong gulang.
Ang House Resolution (HR) No. 1332, ay inihain nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, Deputy Speaker Aurelio “Dong” D. Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose "Mannix” M. Dalipe, Minority Leader Marcelino C. Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander A. Marcos, at Tingog Partylist Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre, na nagbibigay-pugay sa kanyang hindi pangkaraniwang buhay at mahahalagang kontribusyon.
Ang tanyag na pamumuno ni Fernando ay nakita sa kanyang iba’t ibang papel na ginampanan, kabilang na ang kanyang paglilingkod bilang mayor ng Lungsod ng Marikina sa tatlong magkakasunod na termino mula 1992 hanggang 2001, pangulo ng Metro Manila Mayor’s League noong 2001, chairperson ng Metro Manila Development Authority (MMDA) noong 2002, Kalihim ng Department of Public Works and Highways noong 2003, pagbabalik sa kanyang termino bilang MMDA chair sa mga huling bahagi ng 2003 hanggang 2009, at Kinatawan ng Unang Distrito ng Lugsod ng Marikina sa ika-17 at ika-18 Kongreso mula 2016 hanggang 2022.
Sa naturang resolusyon, pinuri si Fernando bilang isang "(a) true public servant" kung saan ang kanyang hindi natitinag na paninindigan sa liderato at pamamahala ay "serves as a prime example for all local public officials, as he never succumbed to popular influence when it came to enforcing the laws."
Kinikilala rin sa resolusyon si Fernando bilang isang "staunch advocate of simple, effective, and science-based policies and the preservation of the rule of law, exemplifying a strong and commendable track record of reliable governance."
"Honorable Bayani 'BF' F. Fernando will always be remembered for uplifting the welfare and well-being of countless Marikeños and the Filipino people,” ayon sa pagkakasaad sa resolusyon.
Ang HR 1332 ay pinagtibay sa pagsasama-sama ng mga HR Nos. 1327 ar 1330.
Alinsunod sa kanyang pananaw at pagsang-ayon epektibong pamamahala, sinimulan ni Fernando ang mga programa na nakatuon sa kalinisan at ang pagpapairal ng batas sa Lungsod ng Marikina.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, kagyat niyang binago ang anyo ng Marikina mula sa isang fourth-class na bayan tungo sa isang modelong lungsod, na kilala sa kalinisan, mga residentng sumusunod sa batas, at madaling akses ng mga tao sa lansangan. Ang pambihirang kaunlaran na ito ang nagbigay sa Marikina ng prestihiyosong titulo bilang Best National Capital Region Local Government Unit noong 1994 at the Most Outstanding City in the Philippines noong 1997.
Sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang hepe ng MMDA, nagpakita si Fernando ng hindi natitinag na determinasyon sa pulitika at applied scientific at practical solutions para matugunan ang matagal nang mga usapin sa Kalakhang Maynila, kabilang ang pamamahala sa basura, pagsisikip ng trapiko at labis na pagbaha.
Habang nagsisilbi sa Kapulungan ng mga Kinatawan bilang Deputy Minority Leader sa ika-18 Kongreso, tumutok si Fernando sa adbokasiya sa polisiya upang palakasin ang transportasyon, ang MMDA, at ang pribadong imprastraktura.
Inihain niya ang mga kapansin-pansing mga panukala, kabilang ang House Bill (HB) 0922, na kilala rin bilang "Road Use Act of 2019"; HB 0923, o ang "Philippine Building Act of 2019"; at HB 2141, na may titulong "An Act Enhancing the Effectiveness of the Metropolitan Manila Council in Formulating Policies, Rules, and Regulations, and in Enacting Ordinances for Metro Manila, Amending for the Purpose Republic Act (RA) 7924, na may titulong “An Act Creating the Metropolitan Manila Development Authority, Defining its Powers and Functions, Providing Funds Therefor and for Other Purposes."
Kilala rin si Fernando bilang isa sa mga may-akda ng iba’t ibang panukala na may pambansang kahalagahan, kabilang ang RA 11534, na kilala bilang "Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act"; RA 11291, o ang "Magna Carta of the Poor"; RA 11229, o ang "Child Safety in Motor Vehicles Act"; at RA 11215, o ang "National Integrated Cancer Control Act."
Kaugnay ng kanyang mga tungkulin sa lehislatura, sinimulan ni Fernando ang mga mahahalagang proyekto sa unang distrito ng Marikina upang mapasigla ang kalidad ng buhay ng mga residente.
Kabilang dito ang proyektong Bahay Tao, na nagbibigay ng disenteng pabahay sa daan-daang pamilyang Pilipino, at ang pagpapasilidad sa mga proyektong konstruksyon tulad ng mga dike at mga panukala na kokontrol sa pagbaha.
Bukod sa isang pagiging huwarang lingkod-bayan, si Fernando ay isang matagumpay na negosyante na nagtatag ng kanyang BF Group of Companies, na nasa industriya ng konstruksyon, bakal, pagmamanupaktura at real estate.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home