PANUKALANG EXPANDED TERTIARY EDUCATION EQUIVALENCY, APRUBADO SA IKALAWANG PAGBASA
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng pagkakaroon ng pantay na pag aaral sa mataas na edukasyon, inaprubahan ngayong Miyerkules ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang House Bill 9015 o ang panukalang "Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program (ETEEAP) Act."
Sina TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre ang pangunahing nag-akda ng panukala.
Sa kanyang isponsorship na talumpati, sinabi ng Chairperson ng Komite ng Higher at Technical Education at Baguio City Rep. Mark Go na ang mga taong may kakayahan ay dapat magkaroon ng pagkakataon sa edukasyon, upang mapagtanto ang kanilang buong potensyal at maghanda para sa mahalagang bagay na landas na kailangan para sa pandaigdigang kompetisyon.
“We all know that the acquisition of knowledge and skills does not only take place within the confines of the classroom," aniya.
Ang ETEEAP ay isang equivalency at accreditation pathway para sa pagkuha ng bachelor's degree para sa mga nagtapos sa high school, post-secondary technical-vocational graduates, at college undergraduates na may hindi bababa sa limang taon ng propesyonal na karanasan.
Ayon pa kay Rep. Go ang pagtatatag ng ETEEAP bilang isang alternatibong programa sa pag aaral ay magpapahintulot sa mga manggagawa, empleyado, propesyonal, at iba pang mga undergraduate adult na may nakuha na mga competencies upang makakuha ng isang degree sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang karanasan sa trabaho, kaalaman, kakayahan, at kadalubhasaan bilang mga kredito sa paaralan.
Ang iba pang mga panukala na inaprubahan sa Ikalawang Pagbasa ay 1) HB 6933, na naglalayong ideklara ang Pampanga bilang "Christmas Capital of the Philippines;" 2) HB 9045, na magbibigay ng mas magandang akses sa mga Muslim Filipino sa Shari'a courts; at 3) Idedeklara ng HB 4641 ang General Santos City bilang "Tuna Capital of the Philippines."
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home