PAGDINIG SA PANUKALANG P2.385-B BADYET NG OVP PARA SA 2024, TINAPOS NA NG KOMITE NG APPRO
Kagyat na tinapos ngayong Miyerkules ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co, ang pagdinig sa P2.385-bilyong panukalang badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa taong 2024, bilang bahagi ng matagal nang tradisyon na iginagawad sa OVP bilang parliamentary courtesy.
Ang halaga ay bahagyang mas mataas kaysa sa 2023 na alokasyon ng OVP na P2.36-bilyon.
Si House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander Marcos ang nagmosyon na wakasan na ang pagdinig ng badyet ng OVP pagkatapos ng audiovisual na presentasyon ng OVP na nagdedetalye ng mga programa, aktibidad at proyekto nito para sa 2024.
Ang mosyon ay nagkaisang inaprubahan ng 21 kasapi ng Komite na dumalo sa pagdinig. Ayon kay Komite ng Appropriations Senior Vice Chairperson at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, nagtipon ang mga kasapi ng Komite upang pag-usapan ang mga programa, aktibidad at proyekto ng OVP alinsunod sa mandato nitong maglingkod at lumikha ng pangmatagalang epekto sa buhay ng mamamayang Pilipino.
“As reflected in the budget documents submitted by the OVP, its proposed new appropriations for fiscal year 2024 supports programs and projects envisioned to bring the OVP closer to the people and provide immediate access to the services of the office through its (additional) satellite offices in the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Isabela and Region V,” ani Rep. Quimbo.
Hinikayat ni Rep. Ma. Carmen Zamora, pangunahing isponsor ng badyet ng OVP, ang kanyang mga kasamahan na ituring ang pagdinig ng badyet bilang pagkakataon upang maging pamilyar sa mga proyekto, aktibidad at programa ng OVP para sa susunod na taon.
Sa audio-visual na presentasyon nito, iniulat ng OVP ang pagbubukas ng mga satellite na tanggapan sa Lungsod ng Bacolod, Cebu, Lungsod ng Dagupan, Davao, Surigao, Tacloban at Zamboanga na nagbukas ng kanilang mga pinto sa publiko. Ngayong taon, binuksan din ang mga satellite na opisina sa Isabela, BARMM at Region V.
Bukod dito, dalawang lokal na tanggapan ng OVP Public Assistance Division ang binuksan sa Lungsod ng Lipa sa Batangas at Tondo, Manila.
Ang 10 satellite na tanggapan at dalawang lokal na tanggapan ay umaakma sa tungkulin ng sentral na tanggapan sa Robinsons Cybergate Plaza sa Mandaluyong City.
Batay sa presentasyon ng OVP, layon ng mga satellite na tanggapan na mapalapit ang mga serbisyo ng OVP sa mga Pilipino sa labas ng National Capital Region.
Ipinakita rin sa presentasyon na noong Hunyo 2023, ang OVP ay nakapagtala ng 81 porsiyentong paggasta, at nagamit ang 44 porsiyento o P1.06 bilyon ng 2023 badyet nito. May kabuuang P550.7 milyon ang ginastos para sa tulong medikal para sa 52,472 benepisyaryo.
Ang tulong sa pagpapalibing ng OVP ay umabot sa P56.9 milyon hanggang 11,606 na benepisyaryo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home