PROGRAMANG 4PH, TINALAKAY NG KAMARA PAGDINIG NG 2024 BUDGET NG DHSUD
Tinapos kahapon (ngayong Martes) ng Committtee on Appropriations sa Kamara ang pagdinig sa panukalang P5.4-bilyong badyet ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) para sa taong 2024.
Sinabi ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co Rep. Co, chairman ng komite, na ang pinakamalaking hamon ng sektor ng pabahay ay ang pagtugon sa 6.6-milyong backlog dito ng pamahalaan.
Binanggit niya ang 1) pagpapatupad ng programa ng abot-kayang pabahay at 2) pagsusuri kung ang mga bagong programa sa pagpapautang sa tulong ng mga institusyong nagpapautang, lokal na pamahalaan, at mga gumagawa ng pabahay ay ilan sa mga solusyon sa backlog.
Binigyang-diin ni Rep. Co na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order 34, s. 2023, na nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na magsumite ng detalyadong imbentaryo ng bakante at angkop na mga lupain para sa pagpapatupad ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Ang 4PH ay ang pangunahing programa upang tugunan ang pangangailangan sa pabahay sa pamamagitan ng pagtatayo ng disente at abot-kayang pabahay para sa mga Pilipino.
Hiningi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar ang buong suporta ng Kongreso upang matiyak na mabibigyan ng sapat na pondo ang sektor ng pabahay at pag-unlad ng lungsod.
Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, makakatanggap ang 4PH ng P1.25-bilyong interes sa subsidiya.
Ayon kay Sec. Acuzar, ang subsidiya sa interes ay maghihikayat sa mas maraming gumagawa ng pabahay at kontratista na magpatuloy sa kanilang mga proyekto ng pabahay.
Dagdag pa niya, malaki ang maitutulong nito sa pagsasakatuparan ng bisyon ng administrasyong Marcos na bumuo ng isang milyong bahay taun-taon para sa susunod na anim na taon.
Sa kanyang presentasyon, ibinahagi ni Undersecretary Atty. Avelino Tolentino III ang bagong estratehiya ng DHSUD sa pagpapaunlad ng pabahay: ang on-site at in-city resettlement.
Ipinaliwanag ni Usec. Tolentino na makakabawas ito sa masamang epekto ng pagpapaalis, makakatulong na matiyak ang patuloy na pagkakaroon ng trabaho o pagkakaroon ng mga oportunidad sa kabuhayan, at mapabuti ang antas ng pamumuhay.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home