PANUKALANG P1.792-B BADYET NG PCO PARA SA 2024, SINURI NG KOMITE NG APPRO
Tinapos ngayong Martes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni AKO BICOL Rep. Elizaldy Co ang pagdinig at talakayan tungkol sa P1.792 bilyong panukalang badyet ng Presidential Communications Office (PCO), at mga sangay na ahensya nito para sa piskal na taong 2024.
Pinangunahan ni PCO Secretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil ang pag-uulat ng mga tampok na bahagi ng P1.792 bilyong panukalang badyet ng PCO, na mas mataas ng P11.574 milyon kumpara sa 2023 badyet ng ahensya na P1.780 bilyon.
Sinimulan ni Komite Senior Vice Chairperson Rep. Stella Luz Quimbo ng Marikina City ang pagdinig, at sinabing kinikilala ng Kapulungan ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon at tamang pagpapakalat ng impormasyon.
“In this era of rapid digital communication, where the truth sometimes finds itself tangled amidst the complexities of misinformation and fake news, the role of the PCO becomes even more pronounced. The PCO is the bridge through which the Executive’s policies, initiatives and messages are communicated to the public. Its role in ensuring that citizens have access to accurate and reliable information is integral to the functioning of our democratic society,” ani Rep. Quimbo.
Dinetalye niya na hindi lang basta-basta komunikasyon lang ang papel ng PCO.
“It’s about fostering a society that thrives on facts and knowledge. One that is shielded from the wounding influence of falsehoods. As we delve into discussions of PCO’s budget, it is crucial to consider its alignment with the broader objective of transparency, open governance and the dissemination of factual information,” paliwanag niya.
Hinimok niya ang lahat na “(to) work together to nurture a population of critical thinkers and responsible decision-makers."
Nabanggit ni Sec. Garafil na mas mababa ang kanilang panukalang 2024 badyet kumpara sa mga alokasyon sa mga nakaraang taon, sa kabila ng pagpapalawak ng bagong mandato ng PCO at mas marami pa itong bagong proyekto na ipinatutupad alinsunod sa Executive Order No. 16.
Ang PCO Proper at mga sangay na ahensya nito ay may panukalang badyet na P1.793 bilyon para sa 2024.
Umaasa siya na maaprubahan din ng Komite ang mga panukalang programa ng PCO na Tier 2 na umaabot sa P364.9 milyon, na sumasaklaw sa kabuuan ng mga operasyon, aktibidad at proyekto ng mga bagong media cluster ng PCO.
Kasama sa Tier 2 ang Media Literacy Campaign, Expansion of Freedom of Information Campaign, Climate Change Fora in Malacañang, Bagong Pilipinas Debates, bukod sa iba pa. Sa bahagi ng interpelasyon, tinanong ni Northern Samar Rep. Paul Ruiz Daza kung ano ang pinakamataas na nagawa ng PCO ngayong taon na talagang maipagmamalaki ni Sec. Garafil.
Sinabi ni Sec. Garafil na ito ay ang Media Literacy Information Campaign at ang pag-uulat ng mga pambansang kaganapan ng Pangulo gayundin ang sa ibang bansa.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home