Friday, August 25, 2023

MINIMUM NA SAHOD SA BANSA AT KAWALAN NG TRABAHO, TINALAKAY NG KOMITE NG APPROPRIATIONS SA PAGDINIG NG BADYET NG DOLE

 

Sinimulan ngayong Huwebes ng Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan ang deliberasyon nito sa 2024 panukalang badyet ng Department of Labor and Employment (DOLE), at mga sangay nitong ahensya na umaabot sa P39.596 bilyon. Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido Laguesma, plano ng ahensya na dagdagan ang trabaho, mapadali ang mga oportunidad sa trabaho, magbigay ng proteksyong panlipunan ang mga bulnerableng manggagawa, itaguyod ang parehong responsibilidad ng mga manggagawa at may-ari, at makamtan ang pagkakapantay-pantay ng paggawa sa 2024. Ayon kay Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza, kulang ang P610 minimum na sahod para matugunan ang mga pangangailangan ng sapat na sahod upang mabuhay. Ipinabatid din ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang alalahanin sa kakulangan ng trabaho, partikular sa mga tanggapan ng pamahalaan, at hiniling ang interbensyon ng DOLE upang malutas ang usapin. Inamin naman ni Sec. Laguesma na ang kasalukuyang minimum na sahod ay kulang upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga manggagawa. Binigyang diin din niya ang aktibong pakikipag-ugnayan ng ahensya sa pagpapatupad ng iba pang mga inisyatiba na naglalayong magbigay ng tulong sa manggagawa. "Kaya nga po ang direksyon ng Department of Labor and Employment bukod po sa intervention on the wage aspect, meron din pong wage intervention sa pamamagitan po ng mga livelihood (programs). Alam po namin na hindi nakasasapat at 'yan naman po siguro hindi naman dapat nating ipagkaila," aniya. Ayon kay DOLE Undersecretary Benedicto Ernesto Bitonio Jr., isinasagawa na ang mga pagsisikap upang mapahusay ang desiminasyon ng mga bakanteng trabaho sa pamahalaan, at ang patuloy na pagsasagawa ng mga proseso ng pagsusuri upang matanggap sa trabaho. Dagdag pa rito, isinasagawa rin ang mga hakbang upang magbigay ng review classes para sa mga kontraktwal na kawani na nagnanais na makakuha ng Civil Service eligibility. Tinukoy ni Sec. Laguesma ang 1) pagsusulong ng produktibo, napag-uusapan, malayang pinili, at pangmatagalang trabaho; 2) paggarantiya sa pamamahala ng paggawa na gumagalang sa lahat ng mga pangunahing kaalaman sa lugar ng trabaho, mga internasyonal na pamantayan sa paggawa, at karapatang pantao; at 3) pagbuo ng pantay at inklusibong sistema ng proteksyong panlipunan bilang mga prayoridad sa paggawa at trabaho ng DOLE para sa taong 2023 hanggang 2028. Mayroong walong sangay na ahensya ang DOLE, apat na pangasiwaan, pitong tanggapan at 16 na mga tanggapang pangrehiyon. Pinangunahan ni Deputy Majority Leader at Komite Vice Chairperson David Suarez ang pagdinig sa badyet. wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home