ALTERNATIBONG PEOPLE’S INITIATIVE NG SENADO, SUSUPORTAHAN NG KAMARA—SPEAKER ROMUALDEZ
Susuportahan ng Kamara de Representantes ang alternatibong People’s Initiative na pangungunahan ng Senado upang isulong ang pag-amiyenda sa ilang probisyon ng Saligang Batas.
Ipinahayag ito ni House Speaker Martin Romualdez sa kanyang liham kay Senate President Juan Miguel Zubiri sa harap ng pagpapalabas ng manifesto ng Senado na tumututol sa People’s Initiative para sa Charter Change.
Sa naturang liham, sinabi ni Romualdez na hinihintay ng Kamara ang pag-apruba sa Resolution of Both Houses Number 6 na mag-aamiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution partikular ang tatlong Articles nito.
Buo aniya ang suporta ng Kamara sa RBH 6 alinsunod sa napag-usapan at sa commitment bago pa ang vin d’ honneur noong January 11.
Binanggit din ni Romualdez ang bahagi ng opening statement nito sa pagbubukas ng sesyon noong Lunes na nagbibigay-diin sa napapanahong pagpapapasok ng foreign capital at direct investments sa bansa.
Gayundin ang pagpuri kay Zubiri at sa mga senador dahil sa pagsisikap na itaguyod ang Cha-Cha sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ipinunto naman ng House leader sa kanyang sulat na mahalaga ang kooperasyon at nagkakaisang pasya kaya ang mga nakalipas na hadlang ay gagawing reporma tungo sa maunlad na hinaharap.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home