Thursday, January 25, 2024

rpp Speaker Romualdez pinuri desisyon ni PBBM na palawigin deadline ng jeepney consolidation


Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang desisyon ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" R. Marcos Jr. na palawigin ng tatlong buwan ang consolidation ng prangkisa ng mga public utility jeepney (PUJ) na sinimulan ng nakaraang administrasyon.


Ayon kay Speaker Romualdez ito ay isang patunay na hindi bulag at bingi si Pangulong Marcos sa hinaing ng taumbayan.


Ayon sa lider ng Kamara, batid ng Presidente ang epekto ng naturang isyu sa sektor ng transportasyon lalo at nahaharap sa iba’t ibang hamon ang industriya ng transportasyon. 


Ang desisyon ng Pangulong Marcos ay kasunod na rin ng pakikipag-pulong ni Speaker Romualdez at iba pang lider ng Kamara sa mga opisyal ng transport group sa pangunguna nina Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) President Mody Floranda at Manibela President Mar Valbuena na humiling ng dayalogo para mapalawig ang consolidation program.


“Nadinig kaagad ‘yung ating hinaing po. President Ferdinand Marcos has just approved the recommendation of the Transportation Secretary [Jaime Bautista] granting an additional three months until April 30, 2024, to consolidate Public Utility Vehicles. This extension allows those who expressed intention to consolidate but still need to make the previous cut-off; kaya may extension tayo kaagad. Kaya ‘yung sinasabi nating end of the month ay na-extend ng tatlong buwan,” sabi ni Speaker Romualdez sa mga mamamahayag.


“Kaya po may oras naman tayo, may panahon tayo na mag-consolidate at maghanap tayo ng solusyon. Kaya ‘yun talaga ang sinasabi ng ating mahal Pangulo, na very sensitive, attentive at nakikinig. Hindi kailangan tayong maghintay hanggang bukas, eh na-announce na so siya mismo ang nagsabi ng magandang balita kaya nagpapasalamat tayo sa kanya at agad-agad ay umaksiyon talaga siya,” saad pa ng House Speaker.


Matapos nito ay nakipagpulong din ang House Speaker kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III at iba pang transport officials upang pag-usapan kung ano pang tulong ang maaaring ibigay sa mga transport group.


Bagamat kinikilala ang kahalagahan na maging moderno ang mga pampublikong sasakyan, binigyang diin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na matiyak na mapananatili ang kabuhayan ng mga tsuper.


Ang jeepney aniya ay matagal nang simbolo ng makulay na kultura at katatagan ng loob ng Pilipinas.


Matatandaan na nagtapos na ang deadline para sa consolidation ng mga jeepney noong Disyembre 31, 2023 at binigyan lamang ang mga ito ng isang buwang grace period para makahabol ang mga hindi pa nakakatapos ng mga rekesitos. (END)

wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home