Friday, April 05, 2024

Hinimok ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan De Oro City Representative Rufus Rodriguez si Pangulong Bongbong Marcos at ang mga leader ng Kongreso na panindigan ang pagsusulong ng amiyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.


Ito'y sa kabila ng inilabas na survey ng Pulse Asia na nagpapakitang mayorya ng mga Pilipino ang hindi sumusuporta sa Charter amendments.


Ayon kay Rodriguez, masisira ang imahe ng bansa sa investing community kung magiging urong-sulong ang gobyerno pagdating sa pagbubukas ng ekonomiya.


Hindi aniya laging popular ang mga tamang desisyon gaya ng pagsusulong ng amiyenda sa Konstitusyon.


Sa mga pagdinig sa Kamara na tumalakay sa Resolution of Both Houses Number 7 ay iisa umano ang paniniwala ng business community, incumbent at mga dating opisyal ng gobyerno, mga ekonomista, propesyunal at iba pang eksperto. 


At ito ay ang pagpabor umano sa pagbabago ng foreign equity at ownership restrictions sa public utilities, education sector at advertising.


Kasabay nito, muling nanawagan sa Senado ang isa sa mga proponent ng economic Charter Change na aprubahan na ang kanilang bersyon sa pagbabalik ng sesyon ngayong buwan dahil nasa kamay na nila ang kapalaran ng ninanais na reporma.


&&&&&&&&&


Walang duda na itatapon lang ni House Speaker Martin Romualdez sa basurahan ang liham ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Larry Gadon na humihirit na isabay na ang political amendments sa isinusulong na pagbabago sa 1987 Constitution.


Ito ang tahasang sinabi ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman Rufus Rodriguez matapos ipanukala ni Gadon sa dalawang kapulungan na isama na sa aaprubahan ang political provisions tulad ng term extension para sa local officials.


Ayon kay Rodriguez, hindi na dapat pansinin ni Romualdez ang suhestyon ni Gadon lalo't sinuportahan naman nito ang posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos na economic Charter reforms lang ang kailangang ikonsidera at ipatupad.


Patunay dito ang talumpati ng pangulo noong Pebrero sa Philippine Constitution Association kung saan inihayag nito na susuportahan ng administrasyon ang pagbabago sa Konstitusyon na nakatuon lamang sa pagpapasigla ng ekonomiya.


Sinisi rin ng kongresista ang mga rekomendasyon ni Gadon at ang mga tanong sa survey ng Pulse Asia na nagpapalito sa isipan ng publiko ukol sa adbokasiya ni Pangulong Marcos at ng liderato ng Kamara at Senado.


Nakasalalay naman aniya sa Senado ang ikatatahimik ng mga kontra sa political amendments at ang tanging paraan ay ipasa na ang Resolution of Both Houses Number 6 na nagsusulong ng economic Charter Change.


wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home