May sapat na panahon pa ang Senado para ipasa ang panukalang batas na mag-aamiyenda sa Rice Tariffication Law.
Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Nueva Ecija Representative Mikaela Suansing na kapag nasertipikahan na ni Pangulong Bongbong Marcos bilang urgent ang RTL amendments ay maaari itong matalakay at mabilis na maaprubahan sa Senado sa susunod na linggo.
Kasabay nito ay nanawagan din si Suansing sa mga senador na basahin at ikonsidera ang mga nakapaloob na probisyon sa bersyon ng Kamara upang mapawi ang kanilang agam-agam.
Tinugunan aniya ng mga kongresista ang "concerns" ng mga mambabatas mula sa Mataas na Kapulungan at kinonsulta ang lahat ng stakeholders para sa layuning iangat ang rice productivity at mapababa ang presyo nito sa merkado.
Umaasa rin si Bataan Representative Geraldine Roman na makikinig si Senate Committee on Agriculture Chairperson Sen. Cynthia Villar lalo't napapanahon na gawing competitive ang mga lokal na magsasaka bago hayaang bumuhos ang rice imports.
Punto ni Roman, maraming magsasaka ang nagpapahayag ng pagtutol sa kasalukuyang batas lalo't kulang pa ang pondo para sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF kaya marapat na itong amiyendahan.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home