Tuesday, May 07, 2024

Pinatitiyak ng mga kongresista sa National Food Authority na mataas ang kalidad ng bigas na maibebenta sa publiko sakaling maisakatuparan ang mas abot-kayang presyo sa kada kilo nito sa merkado.


Sa pulong balitaan sa Kamara, umaasa si PBA Party-list Representative Margarita Nograles na hindi lolokohin ng NFA ang taumbayan lalo't madali na lamang itong maisusumbong sa pamamagitan ng social media.


Punto ni Nograles, kahit sa simpleng pamamahagi ng hindi magandang klase ng bigas sa kanilang distrito ay nagagalit na ang constituents.


Nakasisiguro rin si Davao Oriental Cheeno Almario na hindi hahayaan ng NFA na maging substandard ang mga iaalok na produkto dahil malinaw ang direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos at mayroong oversight functions ang Kongreso na magbabantay sa kanila.


Idinagdag pa ni 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez na mahalaga ang whole-of-government approach sa pagsugpo sa pinangangambahang korapsyon sa NFA bilang isa sa pangunahing hakbang ng gobyerno sa pagpapababa ng presyo ng bigas ang maibalik ang kapangyarihan nito sa procurement.  


Mababatid na sa isinusulong na amiyenda sa Rice Tariffication Law ay ibabalik na ang mandato ng NFA na bumili at magbenta ng mas murang bigas sa mga consumer.


———— MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home