Thursday, June 13, 2024

JUN 12

-Hajji-


Binigyang-diin ni House Speaker Martin Romualdez ang tungkulin ng mga Pilipino sa makabagong panahon na ipagpatuloy ang laban para sa kalayaan.


Nagsilbing panauhing pandangal si Romualdez sa selebrasyon ng ika-isandaan at dalawampu't anim na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Barasoain Church sa Malolos City, Bulacan kasama ang provincial at local government officials.


Sa kanyang mensahe, sinabi ni Romualdez na ang laban para sa kalayaan ay hindi lamang kontra mananakop kundi maging sa kahirapan, katiwalian at kawalan ng katarungan.


Ang kalayaan aniya ay hindi lamang isang pribilehiyo kundi isang responsibilidad kaya sa araw na ito ay hindi lamang ginugunita ang kabayanihan ng mga ninuno, bagkus ay tinatanggap din ang hamon na kanilang iniwan.


Binigyang-pugay din ni Romualdez ang makasaysayang tagpo sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan kung saan unang isinilang ang Unang Republika ng Pilipinas na siyang kauna-unahang demokratikong republika sa Asya.


Punto ng Speaker, taong 1898 nang maitatag ang Kongreso sa Barasoain kung saan unang idinaos ang kauna-unahang sesyon ng lehislatura, inihain at isinulat ang Saligang Batas na nagbigay-daan sa ating pagiging malaya mula sa mga mananakop.


Tulad ng mga ninuno na nagbuklod-buklod upang itaguyod ang isang bansang malaya at may dignidad, pagkakataon umano ang selebrasyon upang magkaisa sa pagbuo ng mas maunlad at makatarungang lipunan.


MULA SA KAMARA DE REPRESENTANTES, TERENCE MORDENO GRANA, NAG-UULAT PARA SA ARMED FORCE RADIO, BOSES NG KAWAK PILIPINO This is Terence Mordeno Grana, reporting for AFP Community News, One AFP for Stronger Philippines.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home