RPP Ayuda, suporta sa mga magsasaka ng palay tiniyak ng Kamara
Tiniyak ng Kamara de Representantes, sa pangunguna ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pagbibigay ng suporta ng gobyerno sa mga magsasaka ng palay sa pamamagitan ng mga subsidiya upang maibsan ang kanilang agam-agam kaugnay ng pagbaba ng taripa sa imported na bigas.
Sinabi ni Romualdez na ang pamahalaan sa ilalim ng administrasyong ni Pangulong Ferdinand “Bingbong” R. Marcos Jr., ay naninindigan sa pangangalaga at pagpapaunlad sa mga lokal na magsasaka, na mayroon umanong mahalagang papel na ginagampanan sa pagtiyak sa seguridad ng pagkain sa bansa.
“Napakaimportante for farmers to get all the support and the subsidies that we could provide para makahabol din tayo na maging rice self-sufficient,” ani Speaker Romualdez sa ginanap na pulong balitaan sa Manila Golf and Country Club sa Makati City.
Tiniyak din ng lider ng Kamara sa mga lokal na magsasaka na buo ang suporta sa kanila ng Kongreso, ng pamahalaaan, at ng mamamayang Filipino.
"We are relying on them, and we assure them that Congress, government, the people are behind them,” ayon kay Speaker Romualdez na humarap sa media kasama sina House Committee on Agriculture Chair Mark Enverga (Quezon, 1st District) at Committee on Appropriations Chair Elizaldy Co (Ako Bicol Party-list).
Sa parehong press conference, sinabi nina Enverga at Co na ang pagbabawas ng taripa sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 62, na nagbababa ng buwis sa inaangkat na bigas sa 15 porsiyento mula sa 15 porsiyento ay hindi makakapinsala sa kapakanan ng mga lokal na magsasaka.
Nagbigay din ng update ang mga kongresista kaugnay ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP), na nasa ilalim ng Rice Tariffication Law, at ginawa upang matiiyak na mayroong pondong magagamit na pantulong sa mga magsasaka.
Binigyang-diin ni Enverga ang pangako ng administrasyon sa mga magsasaka na maglalaan ng mas malaking pondo upang suportahan ang sektor ng agrikultura at ang inaasahang mga pangangailangan upang mapanatili ang mga inisyatiba ng RCEP para sa 2024.
Ang kasalukuyang RCEF, na kilala rin bilang Rice Fund, ay naglalaan ng P10 bilyon taun-taon mula sa mga koleksyon ng taripa sa inaangkat na bigas upang pondohan ang makinarya sa pagsasaka, pagbibigay ng mas magagandang binhi, at pagsasanay sa mga bagong teknolohiya sa pagsasaka.
Ang RCEF ay mapapaso ngayong taon kaya nais itong palawigin ng Kamara. Kasama rin sa panukala ang pagtataas sa P15 bilyon ng pondong inilalaan taon-taon para sa programa ng mga magsasaka.
Sa datos ng Bureau of Customs (BOC) umaabot sa P22 bilyon ang nakolekta sa unang limang buwan ng 2024, na lagpas pa sa kinakailangang panukalang pondo na ilalaan para sa Rice Fund.
“Currently, there are P22 billion as stated by the [BOC]. At paalala po, June pa lang po ngayon, may taripa pa rin po, so may 15 percent tariff. Ibig sabihin, tataas pa rin ang collection for this year, so hindi po mapapabayaan ang ating mga farmers,” paliwanag pa ni Enverga.
Binanggit din ni Enverga na ang pinakamataas na pondo na ibinigay sa pambansang programa sa bigas, bunga ng mga pagsusumikap na sinimulan ni Pangulong Marcos at sinuportahan ni Speaker Romualdez, ay nagpapakita ng pangako ng administrasyon na palakasin ang sektor ng agrikultura.
Sinabi naman ni Co na ang malaking pinansiyal na suporta at mga proyektong pang-imprastraktura para sa mga magsasaka ay nakahanda na rin para sa darating na taon.
“In fact, sa farmers na P10 billion tumaas pa po ng P22 billion as early as now. So wala pong kailangan na ikabahala ang ating mga farmers,” ayon kay Co.
Binanggit din ni Co na patuloy ang inisyatiba ng National Irrigation Administration, kung saan nagsimula na rin ang contract farming na inaasahan makakapagbigay ng 200,000 metriko toneladang bigas, na maibebenta sa pagitan ng P29 hanggang P34 kada kilo. Layunin ng pilot project na mapalawak ang tulong sa pamamagitan ng karagdagang suporta ng General Appropriations Act (GAA) of 2024.
Dagdag pa ni Co, ang paggamit ng solar fertigation na inaasahang magpapataas ng produksyon ng bigas ng 80 porsiyento ng walang karagdagang gastusin sa mga magsasaka.
“‘Pag na-fertigate po natin lahat ng irrigated lands, lalagyan natin ng solar fertigation, that’s an additional of 80 percent production which is at no cost to the farmers. Libre po ang sa kanilang kuryente, libre po ang supply ng tubig,” ayon kay Co.
Sinabi rin ni Co ang layunin ng pamahalaan na tugunan ang mga pangangailangan ng mga ordinaryong mamamayan, bawasan ang epekto ng pandaigdigang inflation, at pagtiyak sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng pagkain.
Sinabi ni Co na layunin ng administrasyong Marcos na makamit ito sa loob ng dalawang taon sa pamamagitan ng komprehensibong mga proyekto, kasama ang pagtatayo ng mga dam at malawakang mga hakbang sa pagkontrol ng baha na nagkakahalaga ng P350 bilyon.
“So hopefully within two years ‘yung legasiya po ng ating Pangulo, ‘yung legacy ng administration, na food security,” ayon kay Co.
Dagdag pa ng mambabatas, “We will have it in two years, and the construction ng mga dam and ‘yung alignment po ng convergence, which is around P350 billion of flood control projects. ‘Pag nagawa natin within two years, we will be exporting rice na po. Tayo naman po ang magprepresyo ng mahal sa ating mga neighboring countries.” (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home