Speaker Romualdez, Speaker Nukaga nangakong pagtitibayin ugnayang pandepensa ng PH, Japan, plalawakin trilateral cooperation kasama ang US
Nangako sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Japanese Speaker Fukushiro Nukaga na lalo pang palalakasin ang defense at security cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Japan, at pagpapalawig ang trilateral cooperation ng mga ito kasama ang Estados sa ginanap.
“Our relationship is at an all-time high with the recent signing not just of the trilateral agreement, but of our relationship, of our strategic partnership,” ayon kay Speaker Romualdez, pinuno ng higit sa 300-kinatawan ng Kamara de Representantes, sa pakikipagpulong nito kay Speaker Nukaga sa Tokyo, Japan nitong Martes.
“We thank the Japan government and the people of Japan for all the support and the assistance through the ODA and now through our official security agreement,” ayon pa kay Romualdez.
Kinilala rin ni Speaker Nukaga ang mabuting ugnayan at relasyon ng Pilipinas at Japan.
Aniya, ang pagtutulungan ng dalawang bansa ay magpapalakas sa iba’t ibang larangan tulad ng depensa at seguridad.
Sinabi pa ni Nukaga na dalawang ulit na naging pinuno ng Japan Defense Agency, na nauunawaan nito ang kahalagahan ng kooperasyon sa pagitan ng bawat bansa na may parehong pagpapahalaga at nagtataguyod ng demokrasya.
Naniniwala rin ang pinuno ng mga mambabatas ng Japan na ang pangingibabaw ng batas ang dapat na maging batayan ng seguridad at pagtaguyod ng demokrasya, lalo na sa pagpapanatili ng pandaigdigang kaayusan.
Ang pulong nina Speaker Romualdez at Speaker Nukaga, sa Tokyo parliamentary building noong Martes ay naglalayong matalakay ang mga usaping kapaki-pakinabang sa Pilipinas at mamamayang Pilipino.
Kabilang sa mga paksang tinalakay ang pantay na access sa Philippine agricultural products, suporta sa infrastructure projects sa ilalim ng Official Development Assistance (ODA), proteksyon ng overseas Filipino workers (OFWs), pamumuhunan ng mga Hapon sa bansa, at pagtutulungang pangseguridad.
Kasama rin sa pulong sina Japan Vice-Speaker Banri Kaieda, Japan House of Representatives International Affairs Department Director General Yamamoto Hironori, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, Navotas Rep. Toby Tiangco, House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco, House Sergeant-at-Arms retired PMGEN Napoleon C. Taas, at ilang pang opisyal ng Kamara.
Sa pulong, binanggit ni Speaker Romualdez ang patuloy na pagpapabuti sa kooperasyon sa depensa at seguridad sa pagitan ng Pilipinas at Japan.
Aniya, sa pamamagitan ng alyansa ng Pilipinas sa Japan ay patuloy na napapalakas, at nagpatitibay ang kakayahang pandepensa at pangkalahatang seguridad ng Pilipinas.
Ang Japan ay isa sa pangunahing pinagmumulan ng kagamitang pangdepensa at suporta sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas, at may mahalagang papel sa pagpapatatag ng kakayanan ng bansa na harapin ang mga hamon dito.
Ilan sa naging tampok sa kooperasyon ng bansa ang Official Security Assistance (OSA) mula sa Japan. Ito ay nilagdaan noong Nobyembre 3, 2023 sa naging pagbisita ni Prime Minister Kishida sa Pilipinas, ang OSA grants ay nagkakahalaga ng JPY600 milyon, o katumbas ng PHP235.5 milyon.
Kabilang sa tulong na ito ang Coastal Radar Systems, na naghihintay na lamang ng clearance. Inaasahan na ang mga radar system ay magpapahusay sa kakayanan ng Armed Forces of the Philippines.
“Japan has provided not only radar systems for our Coast Guard but also choppers and ships to expand our maritime assets for the Coast Guard and the Philippine Navy due to the archipelagic nature of our country and many, many miles of shoreline,” sabi ni Romualdez kay Speaker Nukaga.
“We are most appreciative of this assistance and capacity-building that the JICA (provides). A lot of these go to the island region of Mindanao, the BARMM. It has provided a lot in ushering peace, stability and prosperity in that region. It has helped (immensely),” ayon pa sa mambabatas na mula sa Leyte.
Tinalakay din ng dalawang pinuno sa pulong ang trilateral cooperation sa pagitan ng Pilipinas, Japan at US na may mahalagang papel sa pagpapanatili ng seguridad at katatagan sa rehiyon.
Ito ay kasunod ng matagumpay na inaugural Trilateral Summit na ginanap noong Abril 2024 sa Washington, D.C., na naglatag ng pundasyon para sa pagpapalalim ng kooperasyon sa pagitan ng tatlong bansa.
Sinabi naman ni Speaker Romualdez na kinikilala ng Pilipinas ang mahalagang papel ng trilateral cooperation sa pagpapanatili ng seguridad at katatagan, lalo na ng pagtiyak sa pag-iral ng rules-based order sa rehiyon.
Ang trilateral relationship ay itinuturing na mahalaga para da pagtugon sa iba’t ibang hamon sa seguridad at pagsulong ng mapayapa, ligtas at ma-unlad na Indo-Pacific region.
Noong nakaraang taon, sinimulan ng Pilipinas, Japan at U.S. ang pundasyon para sa higit pang pinahusay na pagtutulungan ng tatlong bansa.
Ang inisyatibang ito ay nagtapos sa inilunsad na Trilateral Summit noong Abril, kung saan pinagtibay ng mga pinuno ng tatlong bansa ang pagtaguyod sa pagpapahalaga sa demokrasya, rule of law, human rights, at gender equality.
Tinalakay din sa summit nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida ang mga paraan upang palakasin ang kooperasyon lalo na sa mahahalagang usapin.
Kabilang dito ang economic resilience and security, inclusive growth and development, climate change, at maritime cooperation.
Sa nasabing pulong, pinuri ni Speaker Nukaga ang trilateral agreement sa pagitan ng Japan, Estados Unidos at Pilipinas sa pagpapalakas ng seguridad, kaligtasan at katatagan ng rehiyon. (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home