ANTI-VAT PACKAGE BILL
Binuhay ng Makabayan Bloc sa Kamara ang “Anti-VAT package bills” o mga panukalang tanggalin ang 12% Value Added Tax sa ilang mga serbisyo na binabayaran ng publiko.
Layon anila ng mga ito na matulungan ang ating mga kababayan sa gitna ng nagpapatuloy pa ring epekto ng pandemya ng COVID-19 at walang prenong “inflation” o mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Kabilang sa inihain ng mga kongresista ng Makabayan ngayong 19th Congress ay ang:
- House Bill 5994 o panukalang tanggalin ang VAT sa “systems loss” sa kuryente
- House Bill 5995 o panukalang alisin ang VAT sa electricity bills
- House Bill 5996 o panukalang tanggalin ang VAT sa toll fees
- House Bill 5997 o panukalang alisin ang VAT sa water bills o singil sa serbisyo ng tubig
Ayon kay ACT Teachers PL Rep. France Castro, naniniwala sila sa Makabayan na ang mga nabanggit na panukala ay konkretong hakbang para mapagaan ang kalagayan ng mga Pilipinong mamimili at magpapababa sa kanilang mga bayarin.
Halimbawa ni Castro, kapag tinanggal ang 12% VAT sa kuryente sa P2,000 electric bill ng isang kostumer, aabot sa P240 ang matitipid.
Nauna nang inihain ng Bayanmuna Partylist ang mga nasabing Anti-VAT bills, pero bigong maging ganap na batas.
Pero giit ng Makabayan Bloc, kailangang aksyunan ng liderato ng Kamara ang mga House Bill na ito at ideklarang “urgent” ng Palasyo, dahil sa matinding hirap na dinaranas ng mga Pilipino.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home