MGA PANUKALANG NAGTATATAG NG MGA PROGRAMA SA RESETTLEMENT AT PAGDEDEKLARA NG NAT’L HIJAB DAY, PASADO SA IKALAWANG PAGBASA
Inaprubahan sa ikalawang pagbasa ngayong Miyerkules sa Kapulungan ng mga Kinatawan, ang House Bill 5, na naglalayong magtatag ng on-site, in-city, near-city, o off-city ng programang resettlement ng lokal na pamahalaan para sa mga informal settlers alinsunod sa people’s plan.
Ang panukala ay pangunahing iniakda ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasama sina TINGOG Party-list Reps. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre, na naglalayong paunlarin ang mga informal settlements sa pagiging lugar ng kahirapan, social exclusion, hindi ligtas na pabahay, at kulang sa kaunlaran, tungo sa isang komunidad na may pinaunlad na pisikal na pamumuhay at magandang kalidad ng buhay.
Gayundin, inaprubahan ng mga mambabatas sa ikalawang pagbasa ang HB 5693, na nagdedeklara ng ika-1 ng Pebrero ng bawat taon bilang National Hijab Day.
Sa ilalim ng panukala, ang mga institusyong pamahalaan, pribadong sektor, at mga paaralan ay hihimukin na gunitain ang okasyon sa pamamaraang magsusulong ng pag-unawa at kamalayan sa pagitan ng kanilang mga kawani at mga mag-aaral hinggil sa relihiyon ng mga Muslim at tradisyong kultural ng pagsusuot ng hijab.
Ang hybrid na sesyon sa plenaryo ay pinangunahan nina Deputy Speakers Isidro Ungab, Aurelio Gonzales, at Kristine Singson-Meehan.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home