PANUKALA NA NAGSUSULONG NG MGA KAPAKANAN NG MGA PILIPINONG MANGGAGAWA, PASADO SA IKALAWANG PAGBASA
Ipinasa ngayong Miyerkules sa ikalawang pagbasa ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pamumuno ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang House Bill 227, na naglalayong magpatupad ng mga polisiya para sa proteksyon at kapakanan ng mga caregivers sa bansa sa pagganap ng kanilang propesyon.
Kapag naisabatas, gagawing rekisitos ang pagkakaroon ng kontrata sa trabaho, sa pagitan ng caregiver at ng employer bago makapagsimula ng trabaho. Isasaad sa kontrata ang mga kundisyon tulad ng sweldo, tungkulin at responsibilidad, panahon ng employment, kabilang na ang mga kadahilanan sa pagtatapos ng isang kontrata. Ang HB 924, o ang panukalang “Barangay Skilled Workers Registry Act”, ay pasado rin ngayon sa ikalawang pagbasa.
Sa pamamagitan ng panukala, ang bawat barangay ay imamandato na lumikha at isapubliko ang pagrerehistro, na magsisilbing database para sa lahat ng skilled workers, na boluntaryong magpaparehistro at nagnanais na isapubliko ang kanilang serbisyo sa kanilang lokalidad. Ang rehistrasyon ay libre at walang bayad.
Samantala, ipinasa ng mga mambabatas sa ikalawang pagbasa ang HB 1509, na nagdedeklara sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan bilang human resource capital. Layon nitong isulong ang paglago ng ekonomiya ng lungsod, at ang kabutihan ng kanilang mamamayan.
Sa ilalim ng panukala, aatasan ang Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, kasama ang Department of Trade and Industry, sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaang lungsod, na magbalangkas ng mga polisiya at magpatupad ng mga programa para sa pagpapalakas ng human resources ng lungsod.
Pinangunahan nina Deputy Speakers Isidro Ungab, Aurelio Gonzales, at Kristine Singson-Meehan ang hybrid na sesyon sa plenaryo.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home