Thursday, November 10, 2022

MGA MAG-AARAL SA HIGH SCHOOL NA MAY KAKULANGAN SA PAGKAIN, ISASAMA SA NATIONAL FEEDING PROGRAM, AYON SA ISANG SUBSTITUTE BILL

Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Basic Education at Culture ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo ang paggawa ng substitute bill, para sa mga panukalang naglalayong palawakin ang National Feeding Program, para isama ang mga mag-aaral na kulang sa nutrisyon na nasa high school. Ito ay ang House Bill 2243 na inihain ni Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, HB 4468 ni Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr., at HB 1137 ni Isabela Rep. Faustino 'Inno' Dy V. Layon ng mga panukala nina Quimbo at Dionisio na palawigin ang National Feeding Programa para sa mga batang kulang sa nutrisyon, sa mga paaralang sekondarya at aamyendahan ang Republic Act 11037, o ang Masustansyang Pagkain Para Sa Batang Pilipino Act. 


Samantala, ang panukalang batas ni Dy ay ipag-uutos ang pagbili mula sa mga maliliit na prodyuser, sa pagpapatupad ng National Feeding Program, na nagsususog din para sa layuning ito ng RA 11037. 


Sinabi ni Quimbo na ang NFP ay kasalukuyang sumasaklaw sa mga batang 12 taong gulang pababa, o hanggang Grade 6 na mga mag-aaral lamang. Samantala, inaprubahan ng Komite ang pagsasama-sama ng HB 3388, na inihain ni Pangasinan Rep. Christopher de Venecia, kasama ang naunang naipasa na Substitute Bill sa Public Schools of the Future in Technology Act. 


Inaprubahan din ng Komite ang mga lokal na panukalang batas, tulad ng: 1) HB 974, na nagtatatag sa Baguio City High School for the Arts, na inihain ni Baguio City Rep. Mark Go, at 2) HB 4516, na naghihiwalay sa Lapuyan National High School–Karpok Extension sa Barangay Karpok, Munisipalidad ng Lapuyan, Lalawigan ng Zamboanga del Sur mula sa Lapuyan National High School, ginawa ito bilang malayang pambansang mataas na paaralan, ni Zamboanga del Sur Rep. Jeyzel Victoria Yu.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home