MODERNISASYON NG PHILVOLCS, ISINUSULONG SA KAMARA I
Isinusulong ngayon sa Mababang Kapulungan ang isang panukala para sa modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs.
Ito ang House Bill 6921, na akda ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda.
Sa explanatory note ng panukala, nabanggit na ang Pilipinas ay nasa “Pacific Ring of Fire” at mayroong 24 na aktibong bulkan, 27 “potentially active” na bulkan, at maraming “active faults at trenches” na maaaring magdala ng malalakas na magnitude earthquakes, na posibleng maging sanhi ng kalamidad at maapektuhan ang mga komunidad.
Nagpapasalamat naman ang Department of Science and Technology o DOST sa Phivolcs Modernization Bill, at umapela sa ibang mga mambabatas at sa publiko na suportahan ito.
Dagdag ng DOST, napapanahon na upang maisabatas ang panukala dahil ika-nga,"lamang ang handa at ligtas ang may alam."
Kabilang sa mga layunin ng Phivolcs Modernization Bill ay gawing makabago ang mga gamit at teknolohiya para mas mapalakas ang kasalukuyang kakayanan ng Phivolcs sa pagkalap ng mga impormasyon at datos na makakatulong sa paghahanda sa kalamidad, “climate change” at iba pang kaparehong pangyayari.
Maliban dito, target din na makapagtayo ng dagdag na “service centers” sa mahahalagang lokasyon sa ating bansa, upang mapalawak ang serbisyo ng Phivolcs.
Palalakasin din ang “technology-based data centers” para mas madaling makakuha ang anumang balita na kailangan ng gobyerno, maging ng pribadong sektor na namamahala sa Disaster Risk Reduction and Management Plans.
At sa pamamagitan ng modernisasyon ng Phivolcs, inaasahang mas mabilis na maipapakalat ang mga pabatid, adbokasiya, at produkto sa “decision makers,” media at publiko.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home