PANUKALANG BATAS NA MAGTATATAG NG HIGH SCHOOL PARA SA PALAKASAN SA ILANG BAHAGI NG BANSA, APRUBADO
Inaprubahan ngayong Martes sa magkasanib na pagdinig ng Komite ng Basic Education and Culture sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, at ng Komite ng Youth and Sports Development, na pinamumunuan ni Isabela Rep. Faustino Michael Dy III, ang tatlong panukala na naglalayong magtatag ng high school para sa palakasan sa ilang bahagi ng bansa.
Pinagtibay, batay sa istilo at mga susog, ang House Bill 355 na inihain ni Bataan Rep. Maria Angela Garcia; HB 411 ni Leyte Rep. Carl Nicolas Cari; at HB 987 ni Baguio City Rep. Mark Go. Ang mga panukalang batas ay magtatatag sa Bataan High School for Sports sa Bagac, Bataan, Baybay City National High School for Sports sa Baybay City, Leyte, at ang Baguio City Sports High School. Sa kanyang pag-isponsor ng panukala, ipinahayag ni Rep. Garcia na ang pagtatatag ng high school para sa palakasan ay magpapaunlad at maghahasa sa mga kasanayan at pagiging mapag-kumpitensya ng mga may kakayahan at mahilig sa palakasan upang ihanda sila na maging katangi-tanging manlalaro na may angkop na akademikong pundasyon.
Samantala, sinabi naman ni Rep. Cari na ang high school para sa palakasan ay magbibigay sa mga kabataan ng daan upang ituloy ang kanilang mga pangarap at ilayo sila sa mga bisyo, at mapahintulutan silang maging pinakamahusay na indibidwal sa lipunan.
Sinabi ni Rep. Go na ang layunin ng kanyang panukala ay ang tuklasin, sanayin, at suportahan ang mga talentong Pilipino, at mula sa hanay ng mga magsisipagtapos dito ay may umusbong na pinakamahusay na atleta na magdadala ng watawat ng Pilipinas sa internasyonal na arena, hanggang umabot sa Olympics.
Ang panukalang high school para sa palakasan ay pamamahalaan at pangangasiwaan ng Department of Education (DepED) at koordinasyon sa Philippine Sports Commission (PSC) para sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng polisiya at programa.
Nilinaw naman ni Romulo na hinihikayat ng Republic Act 11470, o ang “The National Academy of Sports (NAS)” na magtayo muna ng mga high school para sa palakasan sa mga rehiyon hanggang sa mga probinsya.
Aniya, hindi nililimitahan ng batas ang paglikha ng mga kampus. “What the law is saying is that it must be harmonized and standardized, meaning that the curriculum of NAS headed by the Department of Education (DepEd) and the Philippine Sports Commission (PSC) must be the one heeded by the different sports high schools,” paliwanag niya. Pinamunuan din ng Vice-Chair ng Committee on Youth and Sports Development at Calamba City Rep. Charisse Anne Hernandez ang magkasanib na pagdinig.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home