SUBSTITUTE BILL SA KOMPREHENSIBONG BALANGKAS NG REGULASYON SA ENERHIYANG NUKLEYAR, TINALAKAY NG KOMITE
Tinalakay ngayong Martes ng Espesyal na Komite ng Enerhiyang Nukleyar sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Mark Cojuangco ang House Bill (HB) 7049, o ang panukalang "Philippine National Nuclear Energy Act," na naglalayong magkaloob, bukod sa iba pa, ng komprehensibong teknikal at legal na mga proteksyon, sa paggamit at aplikasyon enerhiyang nukleyar.
Sa ilalim ng panukala, lilikhain ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM), upang maglabas ng mga regulasyon at isulong ang mapayapa, walang peligro, at ligtas na paggamit ng enerhiyang nukleyar. Pinalitan ng panukala na inihain ni Cojuangco ang mga HBs 371, 481, 526, 542, 11255, 2103, 3301, 3898, 6030, 7003, at 4822. Si Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang may-akda ng HB 481.
Ayon kay Cojuangco, nakipagtulungan ang abogadong eksperto sa enerhiyang nukleyar na si Atty. Helen Cook mula sa GNE Advisory, sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) upang tumulong sa pagbalangkas ng HB 4709. Sinabi ni Cook na ang modelong batas ng International Atomic Energy Agency (IAEA) ang ginamit bilang modelo sa naturang panukalang batas.
"This means that the national nuclear law draft that you have is consistent with the approaches that are adopted by other countries around the world when they are developing their nuclear energy programs," aniya.
Ipinahayag pa ni Cook na tinitiyak ng paggamit ng modelong batas na ang lahat ng mga obligasyon sa internasyonal na kasunduan ay nasusunod, at ang balangkas ay naaayon sa mga pamantayan sa kaligtasan ng IAEA. Hinikayat din ni Cojuangco ang kanyang mga kasamahan na tulungan ang bansa sa pagkamit ng abot-kaya, maaasahan, at sariling malinis na enerhiya, habang tinutupad din ang pangako nitong mapagaan ang pagbabago ng klima.
Nagkaisa ang Komite na ipagpatuloy ang pagtalakay sa iba pang mga probisyon ng balangkas na kopya ng panukala sa susunod na pagdinig ng Komite.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home