Garin pinaalalahan ang nga ahensiya:
Gamitin ang confidential funds ayon sa kanilang layunin
HINDI dapat abusuhin ng mga ahensiya ng gobyerno ang paghingi ng confidential funds, ayon kay Deputy Majority Leader at Iloilo First District Representative Janette Garin.
Ginawa ni Garin ang pahayag matapos tumaas ang bilang ng mga ahensiyang humihingi ng confidential funds at sinabing lumobo ito mula 16 noong 2012 sa 28 sa 2024.
“Ang daming nakiuso at naabuso na rin… If we look at the historical data, the jump started in 2017,” sinabi ni Garin sa isang panayam sa ANC nitong Lunes.
Bilang vice chairperson ng Committee on Appropriations, nagsumite si Garin ng mga panukalang amyenda sa Small Committee na pinulong ng liderato ng House of Representatives.
Binigyang-diin ng mambabatas ang kahalagahan ng pag-reallocate ng confidential funds sa mga ahensiya tulad ng Department of Information and Communications Technology, Department of Transportation-Office of Transportation Security, at Office of the Solicitor General.
Iginiit din niya ang kritikal na pangangailangang i-redirect ang naturang mga pondo sa anti-smuggling campaigns, habang sinusuportahan din ang mahahalagang aktibidad ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na pinangangalagaan ang West Philippine Sea at ang mga lugar ng pangingisda.
Binanggit ng mambabatas na ang kabuuang confidential fund noong 2016 ay nasa P720 milyon at tumaas noong 2017 sa P2.07 bilyon, at dumoble ito noong 2020, na umabot sa P4.57 bilyon.
“Tumaas nang tumaas ang confidential fund pero ngayon ang nakikita natin, tila hindi siya napunta sa mga tamang ahensya na dapat taasan—if we are talking about national security,” aniya.
Nauna nang nilinaw ng mambabatas mula Iloilo na ang isang ahensiya ay maaari lamang mag-avail ng confidential funds kung ito ay mabibigyang katwiran at mapatutunayan ang pangangailangan.
Sa ilalim ng Special Provision of GAA 2022, ang confidential funds ay “lump sum amounts for expenses related to ‘surveillance activities in civilian government agencies’ to support their mandate or operations.”
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home