salo DAGDAG BENEPISYO PARA SA MGA PUBLIC HEALTH WORKER, PASADO NA SA KAMARA
Ikinagalak ng mga miyembro mula sa ‘health sector’ ang pag-apruba ng House Committee on Health sa House Bill No. 9127, na akda ni KABAYAN Partylist Representative Ron P. Salo, na pinapalawak ang benepisyong natatanggap ng mga ‘public health workers’.
“Ramdam po ng KABAYAN Partylist ang malaking tungkulin at halaga ng ‘public health workers’ sa ating bansa lalo na noong kasagsagan ng pandemya. Sila po yung mga doktor, nars, ‘midwife’, ‘medtech’ at mga ‘aide’ na nagtatrabaho sa mga pampublikong ospital, ‘health centers’ at ‘rural health units’ o RHU. Kaya naman po sinusulong nating dagdagan ang mga benepisyong nakasaad sa Republic Act No. 7305 o Magna Carta of Public Health Workers na mahigit tatlong dekada na mula nu’ng naisabatas”, wika ni Salo.
Kabilang sa mga inihain na dagdag benepisyo para sa ‘public health workers’ ay ang pagbibigay ng 25% hazard allowance sa lahat na hindi alintana sa kanilang natatanggap na sweldo. Kasama dito ang pagtaas ng ‘allowance’ sa P500.00 mula sa dating P300.00 na ibinibigay. Dadagdagan din ang kanilang ‘laundry allowance’ sa P1,000 kada buwan mula sa P125.
“Importante po na mabigyan natin ng karampatang pagpapahalaga ang mga kababayan nating ‘public health workers’ na walang sawang naglilingkod para sa kapwa Pilipino. Hakbang ang panukalang batas na ito patungo sa pagpapabuti ng ‘health services’ sa bansa at sa pagtugon sa mga problema na kinahaharap ng ating ‘public health system’ katulad ng ‘burnout’ o labis na pagkapagod, kakulangan ng ‘health workers’ at iba pa.
Nakakuha ng suporta mula sa pribado at pampublikong sektor ang panukalang batas kabilang ang ‘Department of Health’ (DOH), ‘National DOH Employees Association’ (NADEA), ‘Department of Labor and Employment’ (DOLE), ‘Civil Service Commission’ (CSC), ‘Professional Regulation Commission’ (PRC), ‘Public Services Labor Independent Confederation’ (PSLINK), ‘Philippine Medical Association’ (PMA), ‘Philippine Hospital Association’ (PHA), ‘Philippine Association of Medical Technologists, Inc.’ (PAMET), ‘Philippine Dental Association’ (PDA), ‘Medical Action Group (MAG), at ang ‘Alliance of Health Workers’ (AHW).
“Nagpapasalamat ako sa ating mga katuwang sa panukalang batas na ito, lalo na sa ‘National DOH Employees Association (NADEA)’ para sa kanilang pagsisikap na maisulong ito. Asahan po ninyo na ang KABAYAN Partylist ay mananatiling boses ninyo, sampu ng iba pang ‘public health workers’, sa Kongreso.”
Bilang ‘Chairperson’ ng ‘Committee on Overseas Filipino Workers’, naisip ni Salo na ang dagdag benepisyo para sa ‘public health workers’ ay maaaring sagot sa ‘brain drain’ o ang paglisan ng mga ‘health workers’ mula sa Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa na nagiging sanhi sa kakulangan ng mga ‘medical professionals’ sa bansa.
“Ang karagdagang benepisyo para sa mga ‘public health workers’ ay puhunan para sa isang matibay na ‘public health system’. Alagaan po natin ang kapakanan ng ating mga kababayan na patuloy na nag-aalaga sa ating kapwa at bansa”, pahayag ni Salo.
##
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home