Friday, March 22, 2024

EPEKTO NG PAGBABAWAS SA BADYET NG 4Ps, TINALAKAY NG KOMITE


Nagpulong ngayong Miyerkules ang Komite ng Public Accounts sa Kamara, na pinamumunuan ni ABANG LINGKOD Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, kasama ang Komite ng Social Services na pinamumunuan ni Nueva Ecija Rep. Rosanna Vergara, upang dinggin ang epekto ng pagbabawas sa badyet ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa 2024 General Appropriations Act (GAA). 


Ipinaliwanag ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos na ang prayoridad ng pulong ay dapat na “to come up with solutions.” “We want to know kung magkano po ang ating payables the previous years and kung magkano rin po ang ating deficit,” ayon kay Abalos. 


Sinabi ni Paduano na ang muling paglalaan ng pondo sa pambansang badyet na orihinal na inilaan sa 4Ps ay nag-iwan ng malaking bahagi ng mga benepisaryo ng 4Ps na walang inaasahang cash aid, na siyang dahilan upang talakayin ang pagpaprayoridad sa pondo, at ang epekto nito sa nilalayong tatanggap ng programa. 


"This situation highlights the critical need to address funding allocation to ensure that those reliant on the 4Ps program receive the necessary assistance without disruptions," ayon kay Paduano. 


Ipinaliwanag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na ang 2019 Listahanan ay nahinto noong 2020, dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, at nag-iwan ng mahigit na 625,000 pamilya na hindi nasuri, at mahigit sa 1.3-milyong pamilya na mali ang klasipikasyon dahil sa pagiging non-poor. 


Sinabi niya na si dating DSWD secretary at ngayo’y ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang nagsimula ng muling pagsusuri noong 2022, dahil sa mataas na antas ng pagtatanggal sa talaan at mga reklamong natatanggap. 


Nang umupo si Gatchalian bilang Kalihim ng DSWD noong 2023, ay kanilang ipinagpatuloy ang muling pagsusuri, at kanilang natukoy ang 698,000 pamilya bilang mahirap. Kasalukuyang nagsasagawa ang ahensya ng panibagong pagsusuri ng Listahanan gamit ang Social Welfare Development Index indicator tool. 


Para sa unang semestre ng 2024, ay kanila nang natukoy ang 491,834 pamilya bilang mahirap. Nagmosyon si Northern Samar Rep. Paul Daza na mag draft ng liham ang Komite para kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, na binibigyang diin ang tinatayang budget deficit para sa inisyatiba ng 4Ps. Nanawagan rin siya kay Romualdez na makipag-ugnayan sa Department of Budget and Management, at sangay ng ehekutibo upang makagawa ng mga remedyo para sa inaasahang deficit.

wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home