SISTEMANG PALIT-ULO SA MGA OSPITAL, PINASISIYASAT SA KAMARA
Naghain si AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ng isang resolusyon na mag-iimbestiga sa umano'y umiiral na "palit-ulo" scheme sa mga ospital.
Batay sa House Resolution Number 1674, tinukoy ni Lee ang insidente kung saan ikinukulong umano sa pagamutan ang kaanak ng mga nasawing pasyente at hindi inilalabas ang death certificates at iba pang medical documents dahil sa hindi nabayarang hospital bills.
Nangyayari umano ito sa isang partikular na ospital na kung hindi man ikinukulong ang kamag-anak ay ipinapalit ang isang indibidwal hanggang sa mabayaran ang hospital dues.
Iginiit ng kongresista na ang mga "palit-ulo" scheme ay maituturing na krimen para sa Serious Illegal Detention at Slight Illegal Detention sa ilalim ng Revised Penal Code.
Demonyo aniya ang mga gumagawa ng ganitong krimen at dumadagdag sa pasanin at pagdurusa ng mga pasyente at kanilang pamilya.
Paliwanag pa ni Lee, hindi naman paglabag sa batas ang hindi nababayarang bill sa ospital at hindi nangangailangan ng compulsory confinement ng pasyente sa isang pagamutan.
Ipinunto nito na ang "palit-ulo" scheme ay isang patunay na mayroong nakakaalarmang problema sa healthcare system na kailangang talakayin at tugunan.
Kaya naman makabubuti para sa mambabatas ang ikakasang imbestigasyon upang alamin ang mga butas sa polisiya patungkol sa karapatan ng mga pasyente, kaanak at bisita pati na ang karapatan ng mga ospital sa hindi nababayarang bills at pagpapanagot sa mga nasa likod ng umano'y illegal detention.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home