Sa botong 232 na pabor at walang sinumang tumutol...
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 10423 o panukalang “universal social pension” para sa lahat ng senior citizens sa Pilipinas.
Sa panahon ng botohan kanina, nagdiwang ang mga senior citizen na nasa loob ng plenaryo.
Sa House Bill, ang lahat ng edad animnapung taong gulang pataas sa ating bansa --- mahirap man o mayaman, may nakukuha nang pensyon o wala pa --- tatanggap na ng buwanang pensyon para sa kanilang pangangailangan at medical needs.
Ang mga benepisyaryong mahihirap na senior citizens ay patuloy na makatatanggap ng P1,000 kada buwan; habang inisyal na P500 kada buwan naman ang ibibigay sa iba pang miyembro ng senior citizen population.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ni United Senior Citizen PL Rep. Milagros Magsaysay na lubos na ikinalulugod ng mga senior citizen ang makasaysayang pagpasa ng Kamara sa panukala.
Matagal na aniya itong hinihintay ng mga nakatatanda, at panahon na ring matumbasan ang marami nilang kontribusyon sa bansa.
Nagpasalamat si Magsaysay kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. dahil sa ipinapakitang respeto ng kasalukuyang pamahalaan sa mga senior citizen.
Nagpasalamat din si Magsaysay kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na binigyang-prayoridad ang panukala.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home