MGA PANUKALANG BATAS NA NAGLALAYONG ISULONG ANG INDUSTRIYA NG NATURAL GAS SA BANSA, ITINALAGA NG KOMITE SA TWG
Lumikha ngayong Huwebes ang Komite ng Enerhiya sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Lord Allan Velasco (Lone District, Marinduque) ng isang technical working group (TWG), upang lubos na matalakay ang mga hakbang sa industriya ng natural gas.
Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Velasco na ang panukalang batas sa industriya ng natural gas ay isang priority measure ng Komite, at ng kasalukuyang pamunuan ng Kapulungan.
Aniya, sa kanyang State of the Nation Address noong ika-25 ng Hulyo 2022, umapela si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kapulungan na isaalang-alang ito bilang prayoridad na panukala ng kanyang administrasyon.
Sinabi ni Velasco na itinakda ng Komite ang pagpupulong, umaasa na maipapasa nila ang prayoridad na panukalang batas na ito, na magbibigay ng balangkas para sa pagpapaunlad ng industriya ng natural gas, sa paglipat nito mula sa isang umuusbong na industriya, tungo sa isang matatag na industriya, magsusulong ng isang mapagkumpitensyang natural gas market, at tukuyin ang mga responsibilidad ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sector, sa pagsulong ng pambansang layunin.
Sinabi pa ni Velasco na noong ika-18 Kongreso, nakabuo ang Komite ng substitute bill sa House Bill 3031, ngunit dahil sa kakulangan ng oras, hindi na naisalang sa plenaryo ang Ulat ng Komite para sa nasabing substitute bill.
Muling inihain ni Velasco ang nasabing substitute bill ngayong ika-19 na Kongreso bilang HB 29, ang parehong panukalang batas na inihain ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez bilang HB 17.
Binigyang-diin niya na ang pagpasa ng panukalang batas ay: 1) isusulong ang natural gas bilang isang ligtas, environment-friendly, mahusay, at cost-effective na pinagkukunan ng enerhiya; 2) lumikha ng mga kanais-nais na kondisyon upang magtatag ng industriya ng natural na gas, na nagsisilbi sa lahat ng bahagi ng populasyon ng bansa ng iba't ibang sektor ng ekonomiya; 3) ipakita ito bilang isang mapapakinabangan na makapag ambag sa grid security at ang pagtaas ng lokal na pangangailangan ng gasolina, at 4) upang isaalang-alang ang pag-unlad ng Pilipinas bilang isang liquefied natural gas trading at transshipment hub sa rehiyon ng Asia-Pacific.
Nagsagawa ang Komite ng paunang talakayan sa walong panukalang batas, pito sa mga ito ay magtataguyod ng pag-unlad ng downstream natural gas industry ng Pilipinas.
Ito ang HB 17 na pangunahing inakda ni Speaker Romualdez; HB 29 ni Velasco; HB 173 ni Caroline Tanchay (Party-list, SAGIP); HB 4097 ni Eric Go Yap (Lone District, Benguet); HB 4267 ni Gus Tambunting (2nd District, ParaƱaque City); HB 4615 ni Michael Romero (Party-list, 1-PACMAN); at HB 5811 ni Rep. Gerville Luistro (2nd District, Batangas).
Samantala, ang HB 3015 ni Rep Joey Sarte Salceda (2nd District, Albay) ay magbibigay ng pambansang patakaran sa enerhiya at balangkas para sa pagpapaunlad at pagsasaayos ng midstream natural industry sa Pilipinas. Ang Vice Chair ng Komite ng Energy na si SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang hinirang na mamuno sa TWG.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home