PAGSISIYASAT SA MGA UMANO’Y IREGULARIDAD SA NATIONAL COMMISSION ON SENIOR CITIZENS, IPINAGPATULOY NG DALAWANG KOMITE
Ipinagpatuloy ngayong Lunes ng Komite ng Public Accounts na pinamumunuan ni ABANG LINGKOD Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, kasama ang Espesyal na Komite ng Senior Citizens na pinamumunuan ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes, sa Kapulungan ng mga Kinatawan, ang pagdinig hinggil sa House Resolution 236 na nanawagan para sa isang pagsisiyasat, bilang ayuda sa lehislasyon, sa kalagayan at pamamahala sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), sanhi na rin sa naging privilege speech ni Ordanes noong ika-31 ng Agosto 2022 hinggil sa mga umano'y iregularidad, maling pamamahala, at anomalya sa NCSC.
Sa kanyang pambungad na pananalita, inisa-isa ni Paduano ang mga usapin batay sa naging talakayan sa huling pagdinig na kanyang pinasimple sa limang paksa. Ito ay: 1) kung si NCSC Chairman Atty. Franklin Quijano, gayundin ang iba pang mga komisyoner, ay nabigong pamahalaan ang nasabing komisyon sa sapat na panahon; 2) ang di-umano'y hindi tamang appointment ng mga regional directors sa buong bansa na ginawa ni Quijano sa kanyang kapasidad bilang chairman at CEO ng NCSC; 3) ang umano'y solicitation at extortion activities na sinasabing ginawa ng isa pang senior citizens organization, na tinatawag na Senior Citizens Welfare Association of the Philippines (SCWAP); 4) ang umano'y kabiguan ng NCSC na parangalan ang isang presidential endorsement sa pagkuha ng executive director nito na pinatunayan ng isang papel mula sa Office of the President at nilagdaan ng dating executive secretary, at 5) kung inagaw o hindi ni Quijano ang kapangyarihan ng buong Komisyon sa pamamagitan ng unilateral na paghahanda ng badyet ng NCSC nang hindi kumukunsulta sa mga komisyoner.
Samantala, positibo si Ordanes na ang ikalawang pagdinig ay magbibigay liwanag sa mga usaping nakapaligid sa organisasyon at operasyon ng NCSC, at winika niya na sa pamamagitan ng pamamaraang ito, ang mga usapin ay hindi lamang matutugunan kundi malalagay din ang NCSC sa wastong landas upang maisakatuparan ang mismong layunin kung bakit nilikha ang Komisyon.
“We hope and fight for what is right and just for the millions of our senior citizens, and work to further improve the quality of life of the people who have already given their best years for this country,” ani Ordanes.
Kabilang sa mga sinisiyasat ay ang mga nagawa ng Komisyon mula nang maupo si Quijano; ang bilang ng mga tauhan nito; kung paano ginastos ang 2020 budget na P25 milyon; at ang mga programa at proyekto na makikinabang ang mga senior citizens.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home