MGA KOSULTASYON AT HEARING HINGGIL SA CHA-CHA, DESIDIDONG ITULOY NG KOMITE
isa
Desidido ang House Committee on Constitutional Amendments na ituloy pa rin ang “public hearings at consultations” kaugnay sa mga panukalang nagsusulong ng Charter Change o Cha-Cha.
Ito ang sinabi ni chairman ng komite na si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, matapos sabihin ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya prayoridad ang Cha-Cha at kaya namang makahimok ng “foreign investments” nang hindi papalitan ang Saligang Batas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Rodriguez na nirerespeto ng komite ang opinyon ng Presidente ukol sa Cha-Cha.
Ngunit bilang isang “independent branch” ng gobyerno, iginiit ni Rodriguez na itutuloy ng Kongreso ang nasimulan na nitong mga pampublikong dayalogo para panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Dagdag ni Rodriguez, kapuri-puri ang pagsusumikap ni Pang. Marcos na ligawan ang mga dayuhang negosyante sa kanyang mga nakalipas na biyahe sa abroad. At sa katunayan, ang punong ehekutibo ay ang “best salesman” ng ating bansa.
Pero, ipinunto ni Rodriguez na ang ilang “restrictive provisions” ng Konstitusyon ay maaaring hadlang sa mga investment na ito.
Dagdag ng beteranong mambabatas, batay sa mga nakalipas na pagdinig ng Kamara at konsultasyon sa Cagayan de Oro City, may mga rekumendasyon na i-rewrite ang Saligang Batas partikular ang economic provisions upang mapayagan ang mas maraming foreign investments, at mayroon ding panawagan para sa “Constitutional Convention” para sa Cha-Cha.
Sa ngayon ay nasa Ilo-Ilo City ang komite para sa isang regional public consultation, at base kay Rodriguez ay magdaraos pa sila ng mas maraming konsultasyon, gaya sa San Fernando, Pampanga; San Jose Del Monte, Bulacan at iba pang parte ng Luzon, Visayas at Mindanao.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home