PAGDEDEKLARA NG ARAW NG PAGKAKAIBIGAN NG PH-ISRAEL, APRUBADO NA
Inaprubahan ngayong Miyerkules ng Komite ng Foreign Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Pangasinan Rep. Ma. Rachel Arenas ang House Bill (HB) 2216, na naglalayong gawing “Philippine-Israel Friendship Day” ang ika-9 ng Agosto bawat taon.
Sinabi ng may akda ng panukala na si CIBAC Rep. Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva na “it is just proper to formalize commemorating this extraordinary tie by designating a Philippines-Israel Friendship Day (considering) the deep, historical, and moral friendship between the two countries.”
Pinunto niya ang parehong pagnanais ng dalawang bansa para sa higit na kooperasyon, at binanggit ang tulong ng Israel sa mga biktima ng Bagyong Yolanda at ang pagtanggap ng Pilipinas sa mga refugee na Hudyo noong panahon ng rehimeng Nazi, bilang ilan sa mga pagkakataong nagpakita ng suporta at pagkabukas-palad ang Israel at Pilipinas sa isa't isa.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang Department of Foreign Affairs, sa pakikipag-ugnayan sa National Historical Commission of the Philippines at iba pang kaugnay na ahensya, ay mangunguna sa pagsasagawa ng mga aktibidad bilang paggunita sa Philippine-Israel Friendship Day.
Bukod dito, pinagtibay din ng Komite ang House Concurrent Resolution 7, na magbibigay ng pahintulot kay Delfin Lorenzana, Bases Conversion Development Authority Chairman at dating Kalihim ng Department of National Defense, at Gamaliel Asis Cordoba, Chairman ng Commission on Audit at dating Commissioner ng National Telecommunications Commission, upang tanggapin ang Order of the Rising Sun, Gold at Silver Star mula sa Pamahalaan ng Japan, bilang pagkilala sa kanilang mga kontribusyon sa relasyon ng Pilipinas-Hapon.
Lumikha din ang Komite ng isang technical working group upang ayusin ang mga probisyon ng HB 6084, ang pagtatatag at pagpapanatili ng Office of Veterans Affairs sa Philippine Embassy sa United States of America. Ito ay pamumunuan ni Bukidnon Rep. Jose Manuel Alba.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home