PAGKAKAROON NG SPECIALTY HOSPITALS SA BUONG BANSA, ISINUSULONG SA KAMARA
Kapit-bisig na isinusulong nina Congressmen Paolo Duterte at Eric Yap na magkaroon ng special hospital sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang tumugon sa pangangailangang medikal ng bawat mamamayang Pilipino.
Ito ay sa pamamagitan ng isinampang House Bill 6857 na layong makapagtayo ng regional branches ng mga specialty hospitals sa bansa tulad ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Cancer Center.
“This is to provide access to affordable and quality healthcare services to all Filipinos, through the provision of specialty hospitals in the different regions of the country,” pahayag ni Duterte.
Anya, mas makabubuting mayroon ding mga specialty hospital sa mga rehiyon sa bansa upang hindi na magpapagod at magsasayang ng oras ang mga taga-probinsiya para magpunta sa mga naturang specialty hospital na matatagpuan lamang sa Metro Manila.
Sa kanyang panig, sinabi ni Yap na ang Department of Health (DOH) ay nagsasagawa na ng development plan para sa specialty care bilang bahagi ng Philippine Health Facility Development Plan (PHFDP) 2020-2040 na kapapalooban ng paglikha ng 328 specialty centers sa lahat ng rehiyon sa bansa.
Ang panukalang batas oras na maisabatas ay magkakaroon ng kahit isang specialty hospital na itatayo sa Northern Luzon, Southern Luzon, Visayas, Northern Mindanao, at Southern Mindanao.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home