PAG-AMYENDA SA GOVERNMENT PROCUREMENT ACT, PATULOY NA TINATALAKAY NG TWG
Nagpapatuloy na tinalakay ngayong Miyerkules ng Komite ng Revision of Laws Technical Working Group (TWG) sa Kapulungan ng mga Kinatawan, sa pangunguna ni Vice Chairperson Rep. Ysabel Maria Zamora (Lone District, San Juan City), ang mga probisyon sa substitute bill na nakapaloob sa panukalang “Revised Government Procurement Reform Act.” Pinagsasama-sama ng panukala ang mga House Bills (HBs) 18, 648, 1503, 2682, 3704, 4617, at 6280. Kabilang sa mga pangunahing may-akda ng mga panukala ay sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Committee Chairperson Rep. Edward Vera Perez Maceda (4th District, Manila). Binalikan ng TWG ang Seksyon 50 ng panukala sa Bid Opening, na nag-uutos sa Bids and Awards Committee (BAC) na buksan sa publiko ang lahat ng mga bidding nang hindi hihigit sa limang araw na working days, matapos ang deadline ng pagsusumite. Iminungkahi ni Public Works and Highways Undersecretary Antonio Molano Jr. na buksan agad sa publiko ang mga bidding pagkatapos ng deadline, upang maiwasan ang anumang hinala. Sinuportahan ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) at ng Procurement Service - Department of Budget Management (PS-DBM) ang panukala. Sa pagsusuri sa mga bidding, sinabi ni Usec. Molano na tanggalin ang probisyon sa Oral Presentations at Demonstrations, na sinasabi na ang mga ito ay kinakailangan lamang para sa mga proyekto ng Design-and-Build na kailangang pumasa sa mga kwalipikasyon sa pagiging posible, pagiging makabago, pagiging komprehensibo, at kalinawan. Nagkasundo ang Komite na isama ang Department of Information and Communications Technology (DICT), ang Philippine Space Agency (PhilSA), at ang ARTA bilang karagdagang miyembro ng Government Procurement Policy Board (GPPB). Inihayag ni Rep Zamora na isang maliit na grupo ang magpupulong, upang higit pang pag-usapan ang mga mas pinagtatalunang probisyon ng panukalang batas. Dumalo rin si Vice Chairperson Rep. Danny Domingo (1st District, Bulacan).
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home