Saturday, May 06, 2023

PAGLIPANA NG MGA ILIGAL NA OPERASYON NG PAGTIMBOG, INIMBESTIGAHAN NG KOMITE NG KAPULUNGAN

 

Inaksyunan ngayong Huwebes ng Komite ng Public Order and Safety sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, ang House Resolution (HR) 776, na nananawagan ng imbestigasyon sa umano'y iligal na mga operasyon ng pagtimbog na may kaugnayan sa droga na kinasasangkutan ng mga mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) Regional Office 4A. Ipinaliwanag ni Rep. Fernandez na sinimulan ang imbestigasyon matapos maiulat na may dalawang indibidwal na ikinulong sa dalawang magkahiwalay na operasyon noong 2022 ang sumailalim sa pang-aabuso ng mga opisyal ng PNP. Binigyang-diin niya na ang mga pangunahing karapatang pantao ay dapat itaguyod at pahalagahan ng pamahalaan sa laban nito sa mga iligal na droga. Si Maria Victoria De Guzman Perito, isa sa mga nahuli, ay naroon sa pagdinig at isinalaysay ang insidente. Ang walong taong gulang na anak ni Perito, na kasama niya sa panahon ng pagkakahuli, ay nabigyan din ng pagkakataon na magsalita tungkol sa kanyang nakita. Ayon kay Antipolo City Rep. Romeo Acop, may-akda ng HR 776, nilabag ng pangkat ng PNP na umaresto na pawang mga kalalakihan, ang mga protokol ng PNP dahil kinakailangang may presensiya ng isang babaeng opisyal kapag aaresto ng babae o bata. Ang pangkat ay pinangunahan ni Police Major Juan Carlo Porciuncula. Ayon naman kay 1-RIDER Rep. Bonifacio Bosita, na dating nagsilbi sa PNP, na ang mas mababang bilang ng krimen ay mas magandang sukatan ng nagawa ng mga pulis kaysa sa bilang ng mga nahuling indibidwal, lalo na ang mga kasama sa drug watchlist. Pinuri niya ang PNP na gawin ang kanilang trabaho nang maayos, “Gawin natin yung tama. Wag nating isakripisyo ang buhay ng ating kapwa. Ang dami nang pamilyang nasisira ang buhay.”  Tiniyak naman ni BICOL SARO Rep. Brian Raymund Yamsuan sa PNP na katuwang nito ang Kongreso sa pagpapalawak ng mga programa, at pagpapabuti ng mga serbisyo nito. Binigyang-diin ni Rep. Fernandez na ang imbestigasyon ay isinasagawa upang maprotektahan din ang pampublikong imahe ng PNP na nababahiran dahil sa mga maling gawain ng ilang opisyal.


wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home