MGA MAMBABATAS, NAGPAHAYAG NG SUPORTA SA KARAGDAGANG 2024 BADYET NG COMELEC
Ilang mambabatas mula sa Komite ng Appropriations sa Kapulungan ng mga Kinatawan ang nagpahayag ng suporta sa kahilingan ng Commission on Elections (COMELEC) na madagdagan ang 2024 badyet nila sa pagdinig ng kanilang badyet ngayong Lunes.
Kabilang sa mga sumuporta sa kahilingan ng COMELEC ay sina OFW Rep. Marissa Magsino, Bulacan Rep. Salvador Pleyto, Albay Rep. Edcel Lagman, Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, Manila Rep. Bienvenido Abante, ABANG LINGKOD Rep. Joseph Stephen Paduano, at Isabela Rep. Antonio " Tonypet" Albano, at iba pa.
Hinimok ni COMELEC Chairman Erwin George Garcia ang mga mambabatas na ikonsidera ang paglalaan ng P5.7 bilyong badyet para sa paghahanda sa 2025 midterm na halalan, Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), gayundin ang pagboto sa ibang bansa.
"We are fully aware of the fiscal space that we have right now. That practically, all government agencies were reduced of their budgetary requirements. We do not want to compromise the 2025 elections," dagdag pa niya.
Inirekomenda ng Department of Budget and Management (DBM) na bigyan ng P27.34 bilyon alokasyon ang COMELEC para sa taong 2024, na mas mababa kaysa P44.77 bilyong badyet na ipinanukala ng ahensya.
Hindi isinama sa 2024 panukalang badyet ang badyet para sa BSKE dahil isinumite ang panukala bago pa man magpasiya ang Korte Suprema na sa Disyembre 2025 gaganapin ang BSKE sa halip na sa 2026.
Masasagot ng hiniling na dagdag sa badyet ang pagbayad sa overtime, paglalagay ng mga makina ng halalan at kagamitan, pag-imprenta ng balota, edukasyon ng mga botante at mga gastos sa patalastas, at iba pa.
Tungkol naman sa pagboto sa ibang bansa, nagpanukala ang COMELEC ng P794.4 milyong badyet ngunit nabigyan lamang ito ng P23.36 milyon para sa 2024.
Binawasan din ang badyet para sa recall elections ng P11.37 milyon mula sa hiniling na P30 milyong badyet.
"We honestly believe that in the event your Honors, that we will be able to use internet voting for overseas Filipinos, baka po mga four to five million ang magparehistro," paliwanang ni Chairman Garcia.
Ayon sa COMELEC, nasa 400,000 ang rehistradong mga botanteng Pilipino sa ibayong dagat, samantalang ang tinatayang populasyon ng mga Pilipino sa ibang bansa ay mas mataas sa 12 milyon.
Wala ring natanggap na pondo ang COMELEC para sa kanilang Capital Outlays (CO), na gagamitin sa pagtatayo ng mga bagong pasilidad.
Ipinaliwanag ni Chairman Garcia na mahalaga ang pagtatayo ng mga lokal na tanggapan ng COMELEC upang mapanatili ang integridad at kalayaan ng ahensya.
Sumang-ayon naman si BH Rep. Bernadette Herrera, at inatasan ang COMELEC na magbigay ng mga kaukulang dokumento para sa konsiderasyon ng Komite.
Binigyang diin ni DBM Director Elena Regina Brillantes na may piskal na kalayaan ang COMELEC na magbibigay ng kapangyarihan sa ahensya na gamitin ang lahat ng magagamit na o mga nakaraang alokasyon nito para pondohan ang kanilang mga proyekto.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home