HALAGA NG SIBUYAS, BIGAS AT IBA PANG MGA PRODUKTONG AGRIKULTURA, PATULOY NA IMOMONITOR NG KAPULUNGAN
Nanindigan si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ngayong Huwebes na patuloy na imomonitor ng Kapulungan ang mga halaga ng sibuyas, bigas at iba pang mga produktong agrikultura.
Ipinangako niya ito habang pinupuri ang Department of Justice (DoJ), at ang National Bureau of Investigation (NBI) sa paghahain ng kaso laban sa mga nasa likod ng hindi makatarungang pagtataas ng sibuyas, hanggang P700 kada kilo sa huling bahagi ng 2022.
Sa pagsususpetsa sa iligal na pag-iimbak at manipulasyon sa halaga, at alinsunod sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing abot-kaya ang halaga ng mga produktong agrikultura, ay agad iniutos ni Speaker sa Komite ng Agrikultura na siyasatin ang dahilan sa pagtataas ng halaga ng sibuyas.
Sinabi niya na ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo sa mga nasa likod ng pagtaas ng halaga ay, “is a product in part of our extensive investigation.”
“We welcome this result and we expect prosecutors to make the charges stick. We will continue to monitor prices and we will not hesitate to exercise our power of oversight by conducting an investigation and prodding agencies so we can protect the public from high prices and inflation,” aniya.
Pinuri rin ng pinuno ng Kapulungan ang Komite ng Agrikultura, lalo na si chairman Quezon Rep. Mark Enverga at ang pangunahing nag-iimbestiga sa kaso na si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo, sa matagumpay na pagsisiyasat.
Tinapos ng Komite ang kanilang apat na buwang imbestigasyon matapos na matagumpay na matukoy ni Rep. Quimbo ang mga personalidad na sangkot sa kartel, na siyang responsable sa iligal na pag-iimbak at manipulasyon sa halaga ng sibuyas.
Ang mga pagdinig sa Kapulungan ay nagresulta sa pagbulusok ng halaga ng sibuyas mula P700 hanggang P160 kada kilo.
Nagpahayag ng pagkadismaya si Speaker Romualdez sa umano’y pagkakasangkot ng ilang opisyal ng Kagawaran ng Agrikultura (DA) sa manipulasyon ng halaga ng sibuyas.
“As public officers, we are expected to protect our people, not to make them suffer from abusive and illegal practices,” aniya.
Hinimok niya ang DoJ-NBI na tugisin ang iba pang mga opisyal at mga pribadong indibiduwal na pinagsususpetsahang sangkot sa manipulasyon sa halaga, at iligal na pag-iimbak ng sibuyas, bigas at iba pang produktong pagkain.
Nanawagan rin siya sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan tulad ng Cooperative Development Authority (CDA), na bantayan ang mga may-kaugnayang organisasyon na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa at ang kanilang mga opisyal.
Binanggit niya na ilan sa mga kinasuhan ng DoJ-NBI ay mga opisyal ng kooperatiba.
Sa isang pulong balitaan noong Miyerkules, ipinabatid ni DoJ Secretary Jesus Crispin Remulla na naghain ng kaso ang NBI laban sa napatunayang sangkot sa iligal na pag-iimbak at manipulasyon ng halaga matapos ang mahabang pagsisiyasat.
Ang mga kinasuhan sa paglabag sa Republic Act (RA) No. 3019 (Anti Graft and Corrupt Practices Act) ay sina DA Assistant Secretary Kristine Evangelista, Agribusiness and Marketing Assistance Service officer in charge Junibert de Sagun at Bureau of Plant Industry Director Gerald Panganiban.
Kinasuhan rin sila ng mga administratibong kaso dahil sa kakulangan at kawalan ng kakayahan sa opisyal na tungkulin, sa ilalim ng Revised Administrative Code.
Sa kabilang dako, mga kasong hoarding, falsification at profiteering naman ang inihain kina Bonena Multipurpose Cooperative officials Israel Reguyal, Mary Ann dela Rosa at Victor dela Rosa Jimenez.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home