Mariing pinabulaanan ni House Speaker Martin Romualdez na siya ang nasa likod ng mga resolusyon sa Kamara na nag-uudyok sa gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court o ICC sa madugong war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.
Tugon ito ng House leader matapos ibunyag ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na nakatakdang iakyat at aprubahan sa plenaryo ng Kongreso sa susunod na linggo ang mga resolusyon.
Idiniin din ni Roque si Romualdez na ginagawa umano ang lahat ng ito upang pabagsakin si Vice President Sara Duterte sa presidential race sa 2028.
Sa press conference sa Philippine International Convention Center para sa 31st Annual Meeting for the Asia-Pacific Parliamentary Forum, sinabi ni Romualdez na iginagalang niya ang mga ideya at opinyon ni Roque na itinuturing niyang isang mabuting kaibigan.
Pero lahat aniya ng mga espekulasyon hinggil sa ICC probe pati na ang pagtakbo niya bilang pangulo sa taong 2028 ay walang katotohanan.
Sinuportahan din ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri at iginiit na nakatutok lang sa trabaho si Romualdez at hindi sa usapin ng pulitika.
Ipinaliwanag din ni Romualdez na ang mga inihaing resolusyon at hinaing ng mga kongresista ay marapat lamang na dinggin at isa-isang talakayin sa sensitibo at "responsive" na pamamaraan.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home