Thursday, December 07, 2023

Agri officials ginisa sa hindi natupad na pangakong huhupa presyo ng bigas


Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang kongresista at kinuwestyon ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) dahil hindi umano nangyari na huhupa ang presyo ng bigas pagkatapos ang anihan.


Ginisa ng mga mambabatas sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ang mga opisyal ng DA at National Food Authority (NFA).


Isinagawa ang pagdinig matapos bumisita sina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa Farmers Market sa Cubao, Quezon City kung saan napansin nila na may kamahalan pa rin ang bigas.


Sa pagdinig, sinabi ni Tulfo na nasa P52 hanggang P60 kada kilo ang ibinebentang bigas na kanilang nakita sa ginawang paglilibot.


“Whatever happened to that promise na bababa [ang presyo ng bigas], because people were waiting? Bakit hindi po bumaba?” tanong ni Tulfo na ang tinutukoy ay ang pangako noong Hulyo, Agosto, at Setyembre na huhupa ang presyo.


Sinabi ni NFA chief Roderico Bioco na hindi gaanong bumaba ang presyo ng bigas dahil sa naging kakulangan ng produksyon noong 2021 at 2022 at paggamit ng mga magsasaka ng kokonting pataba at ang anunsyo ng Indonesia na bibili ito ng 2 milyong tonelada ng bigas.


Nauna ng sinabi ni Speaker Romualdez na dapat matiyak na hindi nagsasamantala ang mga negosyante ngayong kapaskuhan. “The Christmas season is meant to be a time of giving and compassion, and we want to make sure that prices of goods are affordable to a great majority of our people,” sabi ni Speaker Romualdez.


Sa pagdinig, sinabi ng chair ng komite na si Quezon Rep. Mark Enverga na umaasa ito na magpipresinta ang DA at iba pang ahensya ng mga impormasyon na magagamit ng komite sa paggawa ng hakbang kung papaano mapapababa ang presyo ng agricultural commodities gaya ng bigas at itlog ng manok.


“It is our duty to inform the consuming public of the real situation as reports vary. We know that this time of the year is one of the busiest for all of us, but please bear with us. We need to keep everyone informed,” ani Enverga.


“We need correct information for us to assess the situation and help making the necessary steps to address such concerns and to avoid the same mistakes,” dagdag pa ng chair ng komite.


Sinabi ni DA Undersecretary Leocadio Sebastian na tumaas ang produksyon ng bigas sa bansa kaya hindi na itinuloy ng ilang importer ang planong pag-angkat at bumili na lamang sa lokal na magsasaka.


Ayon kay Sebastian mas kumita ang mga magsasaka sa katatapos na anihan kumpara noong mga nakaraang taon.


Sinabi ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara na nakatutuwang malaman na mas maganda ang kita ng mga magsasaka subalit nakababahala umano na ang mga kapitalista ang nagtatakda ng presyo.


“I'm very happy for the farmers. They deserve that. But we cannot also just allow the capitalists to dictate those high prices at the expense of the consumers,” sabi ni Vergara.


Iginiit din ni Vergara ang mahalagang papel ng NFA upang hindi baratin ng mga negosyante ang mga lokal na magsasaka.


Kung mag-iimbak umano ng bigas ang NFA, maaari itong bumili ng bigas sa tamang presyo para hindi baratin ang mga magsasaka.


“No one's going to buy because NFA is selling at P29 or P32. That way these capitalists will buy at the right (farmgate) price, not below P19 but P22 or P23. So everyone's happy. No one's making absurd amounts of money,” paliwanag ni Vergara.


Inamin naman ni Bioco na nahihirarapan ang NFA sa pagbili ng bigas dahil sa government-set guaranteed floor at ceiling price. 


Sa kaparehong pagdinig ay nagpahayag din si Tulfo ng pagkabahala sa mataas na presyo ng itlog ng manok.


Iginiit din ni Tulfo ang kahalagahan ng itlog sa pagkain ng mga Pilipino lalo na sa almusal.


Nananawagan ang mga dumalo sa pagdinig ng aksyon mula sa gobyerno upang matulungan ang mga konsumer at magkaroon ng sapat na suplay ng itlog.

END wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home