Thursday, December 07, 2023

MGA ANCHOR NG SMNI, KINASUHAN NG CONTEMPT NG KOMITE NG LEGISLATIVE FRANCHISES  


‘Cited in contempt’ ang Sonshine Media Network International (SMNI) program anchor na si Jeffrey "Ka Eric" Celis ng Komite ng Legislative Franchises sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Parañaque City Rep. Gus Tambunting, ngayong Martes dahil sa patuloy niyang pagtanggi na ibunyag ang pagkakakilanlan ng kanyang source, na nagbigay sa kanya ng hindi tumpak na impormasyon hinggil sa gastusin sa paglalakbay ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez. 


Kasama rin sa ‘cited in contempt’ si Dr. Lorraine Badoy-Partosa, ang co-anchor ni Celis sa "Laban Kasama ang Bayan," dahil sa hindi pagiging tapat sa kung magkano ang kanilang kinikita bilang co-producer ng palabas. 


Ang dalawang anchor ay ikukulong sa Kapulungan hanggang sa pagsapit na dalhin na ng Komite ang ulat ng pagsisiyasat nito sa plenaryo. Ipinag-utos ni Rep. Tambunting kay House Sergeant-at-Arms PMGen. Napoleon Taas (Ret.) na ipatupad ang kapasiyaan ng komite. Isinulong ni Committee Vice Chairman at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na i-cite in contempt si G. Celis matapos tumangging pangalanan ang kanyang source sa kanyang ulat na gumastos umano si Speaker Romualdez ng P1.8 bilyon sa travel expenses, maging sa executive session gaya ng panukala ni Navotas Rep. Tobias "Toby" Tiangco. 


Tinanong ni Rep. Tambunting ang SMNI anchor kung sakaling magkaroon ng executive session ay magbibigay siya ng pangalan, sumagot si G. Celis na tatanggihan niya ito dahil maaaring magdulot ito ng negatibong precedent sa pagprotekta sa isang source. 


“It is very clear that Mr. Celis does not want to answer the question to reveal the source whether in this inquiry or in an executive session,” ani Rep. Pimentel. 


Sinabi ni Pimentel na ayon sa Section 11 (e) ng House Rules tungkol sa kapangyarihan sa contempt, nakasaad na ang pagtanggi ng isang tao na sagutin ang anumang katanungan sa isang imbestigasyon ay magiging batayan sa contempt. 


“Actually Mr. Chair, Mr. Celis has already violated two provisions of Section 11, the first one acting in a disrespectful manner, and the second one, which is more important, is refusal to answer the question in a very relevant inquiry,” aniya. 


Ang Sec. 11 din ng House Rules ang naging batayan ni Manila Rep. Bienvenido Abante, Jr., na i-cite in contempt si Badoy-Partosa dahil sa mga hindi tugma na mga sagot nito kung magkano ang kanilang kinikita at sweldo bilang mga anchor ng SMNI. 


Sinabi ni Badoy-Partosa sa tanong sa kanya na kaunti lang ang advertisers ng kanilang show at hindi siya masyadong pamilyar ukol dito. Kinontra naman ni Rep. Tambunting na madaling matandaan ang pangalan ng mga advertisers dahil kaunti lang ang mga ito. 


Nang sa huli ay pinangalanan niya ang mga advertiser, nilinaw ng abogado ng mga anchor na si Atty. Mark Tolentino na wala pang advertisers ang programa sa kasalukuyan. 


Iniharap ni Rep. Fernandez ang taunang financial report na isinumite ng SMNI sa Kongreso, na nagpapakita na ang kita ng SMNI ay nagmula sa mga istasyon ng radyo nito at wala sa palabas nina Ms. Partosa at Mr. Celis. 


“These people are lying. Why? Dito sa breakdown ng revenue nila, lumalabas po na ung revenue ninyo galing lang po sa radio stations ninyo. Walang revenue na lumalabas na nanggagaling doon sa show ninyo. I think you are lying. Dito walang nakalagay na revenue ninyo,” ani Rep. Fernandez. 


Bago matapos, pinagtibay ng Komite ang House Resolution 1499 na inihain ni PBA Partylist Rep. Margarita "Atty Migs" Nograles, na humihimok sa National Telecommunications Commission na suspindihin ang operasyon ng Swara Sug Media Corporation na sumasailalim sa business name na Sonshine Media Network International, dahil sa paglabag sa terms and conditions ng franchise nito sa ilalim ng RA 11422. 


Sa pagdinig ng Komite noong nakaraang linggo, humingi ng paumanhin si G. Celis sa kanyang maling ulat tungkol sa travel expenses ni Speaker Romualdez, na isiniwalat niyang ang kanyang source ay isang empleyado mula sa Senado. 


Gayunpaman, nang hingin sa kanya na tukuyin ang kanyang source nina Representative Suarez at Senior Deputy Speaker Aurelio "Dong" Gonzales Jr., binanggit niya ang Republic Act 53, na kilala rin bilang Sotto Law. Inihayag sa Komite ni House Secretary General Reginald Velasco na umabot sa P4.347 milyon lamang ang ginastos ng Office of the Speaker para sa foreign travel nito mula Enero hanggang Oktubre 2023, kabilang na ang mga staff ng Office of the Speaker. 


Umabot sa P35.207 milyon ang ginastos ng lahat ng kongresista at ng secretariat mula sa mga opisyal na biyahe. Sa kabuuan, ang halagang ginastos ay P39.605 milyon lamang, aniya. Kinumpirma at pinatunayan ni Finance Department Deputy Secretary General Dante Roberto Maling ang ulat ni SecGen Velasco. wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home