Pangako ng Kamara na isulong kapayapaan, pagkakaisa, mas maayos na buhay para sa mga Pilipino iginiit ni Speaker Romualdez
Iginiit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pangako ng Kamara de Representantes na patuloy na isusulong ang kapayapaan at pagkakaisa sa bansa upang mabigyan ng mas maayos na buhay ang mga Pilipino.
Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa Christmas tree-lighting ceremony sa Batasan Complex sa Quezon City na dinaluhan ng mga miyembro at empleyado ng Mababang Kapulungan.
“Let tonight’s tree-lighting ceremony stand as a symbol of our continuing commitment. That we, at the House of Representatives as a nation-loving institution, will not waver, that we will remain steadfast in our solemn duty to be shining lights for peace, comfort, security, understanding, and unity for our country,” ani Speaker Romualdez.
“Let this be our gift for our countrymen this Christmas,” dagdag pa ni Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kongresista.
Sinabi ni Speaker Romualdez sa kanyang mga kapwa kongresista at mga empleyado ng Kamara na ang bansa ay patuloy na nahaharap sa mga hamon gaya ng pambobomba sa Marawi City noong Linggo at malakas na lindol na yumanig sa Surigao noong Sabado.
“Hindi pa po tapos ang taon. May mga hamon pa din tayong kailangan harapın. Ang trahedya sa Marawi at ang lindol sa Surigao ay ilang paalaala sa atin na hindi pa tapos ang ating gawain,” saad ni Speaker Romualdez.
Ayon kay Speaker Romualdez ang pagsabog sa Marawi City ay isang paalala sa Kamara na hindi pa tapos ang trabaho nito upang pag-ugnayin ang mga pagkakabaha-bahagi, tiyakin ang seguridad at kaginhawahan ng mga Pilipino at magbigay-daan upang magpatuloy ang pagkakaisa.
Patuloy umanong lumalaganap ang kadiliman sa mundo subalit ang kadilimang ito ay tatalunin ng patuloy na pagtingkad ng liwanag.
Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa kanyang mga kapwa mambabatas at mga tauhan sa kanilang suporta sa kanya upang maitaguyod ang pagkakaisa at pagganda ng buhay ng mga Pilipino.
“Tanggapin po ninyo ang taos-pusong pasasalamat ng inyong linkod sa inyong pakiisa sa adhikain nating ito ngayong taon. Dahil sa inyo at sa katapatan ng Maykapal, ako ay puno ng pag-asa na makakamit din natin ang ating hangarin na pambansang pag-unlad sa mas lalong madaling panahon,” sabi ni Speaker Romualdez.
“Dalangin ko po na ang ating magandang samahan patungo sa mas maliwanag na kinabukasan ay magpapatuloy pa din sa darating na panahon,” dagdag pa nito.
Sa papatapos na taon, sinabi ni Speaker Romualdez na maraming nagawa ang Kamara.
“Parang kailan lang mula noong magsimula ang taon. Ilang araw pa at panibagong taon na naman. Sa gitna ng panahon na ito, marami tayong mga hamong pinagdaanan. Sa biyaya ng Maykapal, marami naman din ang mga suliranin na ating napagtagumpayan,” wika pa ni Speaker Romualdez.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home