rpp Charter reform tinututulan ng Senado sa nakalipas na mahigit 3 dekada
Mahigit tatlong dekada na umanong tinututulan ng Senado ang pag-amyenda sa 1987 Constitution o mula pa noong 8th Congress, ayon kay Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez.
“Our records show that they have consistently been obstructionist when it came to Charter reform in the past three decades - for a total of 12 Congresses or for 34-35 years - from the 8th Congress to the present 19th Congress,” ani Rodriguez.
Ayon kay Rodriguez ang pagtutol sa constitutional amendment ng Senado ang dahilan kung bakit gumawa ng hakbang ang mga people organization at inilungsad ang people’s initiative bilang paraan ng pag-amyenda sa Konstitusyon.
“That process will bypass the Senate. I personally do not want that to happen, but I think majority of us will support it out of frustration over the Senate’s obstructionism,” sabi ng kongresista mula sa Mindanao, na siyang chairperson ng House Committee on Constitutional Amendments.
Ipinunto ni Rodriguez na hindi inaaksyunan ng Senado maging ang resolusyon para maamyendahan ang economic provision ng Konstitusyon.
“They have held hostage reforms that could have accelerated our economic growth, generated more investments and created more income and job opportunities for our people,” giit ng kongresista.
Ayon kay Rodriguez umaabot na sa 358 panukala kaugnay ng pag-amyenda sa Konstitusyon ang naihain sa Kamara mula noong 8th Congress hanggang ngayong 19th Congress.
Sa bilang na ito 83 panukala ang nagsusulong ng constituent assembly (con-ass), 105 ang para sa constitutional convention (con-con) at 98 para sa pag-amyenda ng hindi nagsasama ang Senado at Kamara.
Noong 8th Congress, inaprubahan ng Kamara ang House Concurrent Resolution (HCR) No. 10 na nagpapatawag ng con-ass para magpanukala ng pagbabago sa Konstitusyon.
Noong 9th Congress, isang resolusyon din na nagpapatawag ng con-ass ang inaprubahan ng Kamara.
Noong 10th Congress muling inaprubahan ang con-ass resolution subalit mayroong probisyon para sa limitahan ang mga probisyon na babaguhin.
Nang sumunod na Kongreso inaprubahan ang resolusyon para sa con-ass at gayundin ang House Bill No. 8273 upang ipakilala ang people’s initiative.
Noong 12th Congress, muling ipinasa ang panukalang con-ass at pinagtibay ang House Joint Resolution No. 11 na nagpapatawag sa mga barangay assembly upang ikonsidera ang isyu ng constitutional amendment.
Ang HCR 26 ay inaprubahan naman ng Kamara noong 13th Congress upang magpanukala ng pagbabago sa 1987 Constitution.
Noong 14th Congress, inaprubahan ng Kamara ang House Resolution No. 1109 na nagpapatawag sa Kongreso upang baguhin ang Konstitusyon sa pamamagitan ng three-fourth votes ng mga miyembro ng Kongreso.
Noong 15th Congress, sumentro ang Kamara sa economic provisions ng Konstitusyon. Isang dayalogo ang isinulong para mag-usap ang Kamara at Senado.
Noong 16th Congress, pinagtibay ng Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 1 upang maamyendahan ang economic provisions ng Articles XII, XIV at XVI ng Konstitusyon.
Noong 17th Congress, pinagtibay naman ng Kamara ang HCR No. 9 na nagpapatawag ng con-ass at RBH 15 na nagrerekomenda ng pagbabago sa Konstitusyon.
Ang RBH 2 naman ay inaprubahan ng Kamara noong 18th Congress na muling nagpapanukala sa pagbabago sa economic provisions sa Article XII, XIV at XVI.
Ngayong 19th Congress, ipinasa ng Kamara ang RBH No. 6 na nagpapatawag ng con-con upang amyendahan ang Konstitusyon at ang implementing law nito na House Bill 7352. Isinumite ito sa Senado noong Marso 7, 2023.
Ayon kay Rodriguez hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad sa Senado ang RBH 6.
“A total of 302 House members not only voted for the resolution and the bill but also authored them, and only eight representatives voted against. Despite this overwhelming support for economic Charter amendments in the House, the Senate refused to act on the measures,” sabi ni Rodriguez.
Sa loob ng mahigit tatlong dekada, sinabi ni Rodriguez na sa dalawang pagkakataon lamang gumalaw ang panukalang pag-amyenda sa Konstitusyon. Noong 12th at 14th Congress.
Noong 12th Congress, inirekomenda umano ng komite ng Senado na pinamumunuan ni dating Sen. Edgardo Angara ang con-con mode subalit hindi ito naaprubahan ng Senado.
Noong 14th Congress inaprubahan naman ng Senado ang Resolution No. 811 na nagsasabi na kung aaprubahan ng Kamara ang panukalang pag-amyenda na walang three-fourth vote ng Senado ay unconstitutional.
“We have not proposed Charter changes on our own - or ‘unilaterally,’ to use the language of the Senate resolution. That is why we have been sending our proposals to them, as required under our bicameral system,” giit ni Rodriguez.
“But if they want to remain obstructionist, that is their own lookout. Our patience is fast running out. They cannot stop our constituents from launching a people’s initiative as their last resort to effect constitutional reform,” dagdag pa ng kongresista. (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home