Thursday, February 08, 2024

IMBESTIGASYON SA PAGLABAG SA MGA DISKWENTO PARA SA MGA SENIOR AT PWD, IGINIIT NG MAGKASANIB NA KOMITE


Magkasanib na ipinagpatuloy ng mga Komite ng Ways and Means at ng Senior Citizens sa Kapulungan ng mga Kinatawan, kasama ang Espesyal na Komite ng Persons with Disabilities ngayong Martes ang kanilang magkasanib na motu proprio na imbestigasyon sa mga puwang sa pagpapatupad ng umiiral na batas na naggagawad ng diskwento, mga insentibo at tax exemptions para sa mga senior citizens at persons with disabilities (PWD). Ang mga batas na ito ay kinabibilangan ng Republic Act 7277, o ang "Magna Carta for Disabled Persons," na inamyendahan, at RA 7432 o ang "Senior Citizens Act" na inamyendahan. Nakipag-ugnayan ang lupon sa mga business establishments para alamin ang kanilang implementasyon sa mga diskwento at mga pribilehiyo na iminandato ng batas para sa mga seniors at PWDs. Layon nito na tukuyin ang partikular na bahagi at mga polisiya na nangangailangan ng amyenda o pagpapawalang bisa. Iminungkahi ni Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Palma na tingnan sa Department of Trade and Industry - Department of Agriculture (DTI-DA) Joint Administrative Order No. 10-02, series of 2010, kung ano ang nagpapataw ng ceiling na P1,300 para sa offline at online na pagbili kada calendar week, para sa basic necessities at mga pangunahing produkto. Subalit iminungkahi ni KABAYAN Party-list Rep. Ron Salo, na ang administratibong kautusan ay maaaring baguhin anumang oras nang hindi binabago ang batas o di kaya ay pagtataas na lamang ng 1,300 na hangganan. Iminungkahi ni San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora ang konsepto ng national identification card para sa mga senior citizens at PWDs, habang inirekomenda naman ni Batangas City Rep. Mario Vittorio Marino ang pagsasama ng mga datos ng mga senior citizens at PWDs sa national ID system. Tinalakay rin ng lupon ang posibleng pagtatanggal ng purchase booklets na iniisyu sa mga senior citizens at PWDs, na sinuportahan naman ng iba't ibang tagapagsulong, na nagpahayag ng kanilang pag-endorso sa mungkahi. Sinabi ni Drug Stores Association of the Philippines (DSAP) President Vicente Billiones na ang mga maliliit at independyenteng botika o tindahan ng mga gamot, ay hindi basta basta maaalis ang purchase booklet dahil nagsisilbi itong katibayan para malaman kung sumusunod ba ang mga senior citizens o ang mga may kapansanan sa kanilang mga iniresetang gamot. Idinagdag niya na ang kakulangan ng  purchase booklet ay maaaring magamit ng  hindi wasto sa pag-inom ng gamot, at ang mga independyenteng  drug stores ay hindi makakapag-alok ng 20 porsyentong diskwento kumpara sa mga naibibigay ng mga malalaking botika.


wantta join us? sure, manure...

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home