MGA MAMBABATAS NANAWAGAN SA SENADO: TALAKAYIN NA ANG RBH 6 AT TAPUSIN ANG MGA PAG-ATAKE LABAN SA KAPULUNGAN
Binigyang diin ng mga pinuno ng Kapulungan ngayong Martes ang pangangailangan para sa Senado na kagyat na talakayin na at ipasa ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 6, na nananawagan ng isang constitutional assembly na magpapanukala ng mga amyenda, o pagrebisa sa mga probisyong pang-ekonomiya ng 1987 Konstitusyon. Sa pulong balitaan na idinaos sa Kapulungan ng mga Kinatawan, naalala ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang mga sinambit ni Senate President Juan Miguel Zubiri, na kayang tapusin ng Senado ang kanilang mga deliberasyon sa unang tatlong buwan ngayong taon, o bago mag Holy Week break. Nagpahayag ng tiwala si Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe na ang Senado, tulad ng Kapulungan ay magtatrabaho na may ‘sense of urgency.’ Subalit iginiit niya na hindi nag ‘shortcut’ ang Kapulungan sa kanilang pagsasabatas, maging ito ay para sa RBH 6, o sa prayoridad na panukala ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) at State of the Nation Address (SONA). Hinimok ni Dalipe ang mga senador na madaliin ang kanilang aksyon, dahil ang mga panukala ay maaaring mapolitika kapag ang talakayan ay lumagpas na hanggang Oktubre, ang deadline sa paghahain ng mga kandidatura para sa midterm local elections. “We in the House of Representatives are pleading to our counterparts in the Senate to move fast on it because we are running against time," aniya. Nagpahayag ng tiwala si Bataan Rep. Geraldine Roman sa kakayahan ng Senado na matapos ang kanilang deliberasyon sa RBH 6 nang madalian. "Nagawa na namin ang aming part with regard to RBH No. 6, so the ball is on the side of the Senate, at naniniwala naman kami sa kanilang kapasidad upang talakayin ang napakahalagang panukalang ito," aniya. Idinagdag ni Roman na ang "Public Services Act" ay hindi ganap na maipatupad dahil sa mga mahihigpit na probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon. Inamyendahan ng batas na ito ang daan-taong Commonwealth Act No. 146, na nag-alis ng kahigpitan sa pag-aari para sa mga tinukoy na kompanya sa serbisyo publiko. Layon ng repormang ito na hikayatin ang mga lokal at dayuhang pamuhunan sa ilang public utilities at services industries. Binigyang diin ni TGP Party-list Rep. Jose “Bong” Teves Jr. na ang hakbang sa pag-amyenda ng mga mahihigpit na probisyong poang-ekonomiya sa Konstitusyon ay hindi lamang inisyatiba ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, dahil napakarami nang mga panukala ang dumaan sa mga nakalipas na Kongreso sa ilalim ng iba’t ibang administrasyon at speakers. Binanggit rin ni Teves na nakapagdaos rin ng mga pampublikong konsultasyon sa pagbalangkas ng RBH 6. Nanawagan rin ang mga mambabatas sa kanilang counterparts sa Senado na tapusin na ang mga verbal na pag-atake laban kay Romualdez at sa institusyon. Inihayag ni Gonzales na ang kanyang mga kasama, sa isang all-member caucus, ay nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa mga sinambit ng ilang senador na hinahamak ang mga distrito at mga party-list representative. Idinagdag pa ni Teves na ang dalawang Kongreso ay dapat na tumutok sa kanilang nagkakaisang layunin para sa kaunlaran at paglago ng bansa.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home