rye Sen. Imee umamin na inilipat P13B alokasyon para sa 4Ps, pinagpapaliwanag
Matapos aminin ni Sen. Imee Marcos na inilipat nito ang P13 bilyong alokasyon para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) noong nakaraang taon, humingi ng paliwanag ang isang lider ng Kamara de Representantes sa senadora kung bakit nito nagawang alisan ng ayuda ang halos 900,000 pamilya o 4.3 milyong Pilipino.
Sinabi ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” C. Suarez na dapat ding sabihin ni Sen. Marcos kung ginawa rin niya ito sa mga nauna pang taon.
“Unang-una, I think the question is, dahil inamin ng ating mahal na Senador na nagbawas syang pondo (para sa 4Ps), I think ang tanong is, ilang milyong Pilipino ang naapektuhan dahil dun sa pondong nawala?” sabi ni Suarez bilang tugon sa tanong sa isang press conference.
“Ang mas malaking tanong, ilang milyong Pilipino at ilang households ang naapektuhan dahil nailipat 'yung pera at mukhang hindi lang yata noong 2023 nangyari ito,” dagdag pa ni Suarez.
Sa isang pahayag, inamin ni Sen. Marcos na inirekomenda nito na ilipat ang P8 bilyong pondo para sa 4Ps sa ibang programa ng DSWD gaya ng supplemental feeding, KALAHI-CIDSS, Quick Response Fund for disasters, at AICS nang talakayin ang panukalang 2023 national budget noong 2022.
“The PhP5-billion AICS reduction, on the other hand, occurred after I had recommended the amount in the Senate version, but the bicameral removed it for lack of fiscal space post-Covid. Those two amounts - PhP8 billion plus PhP5 billion - are perhaps what some befuddled members are referring to,” sabi ni Sen. Marcos.
Ipinunto ni Suarez na ang 4Ps program ay hindi basta-bastang proytekto ng gobyerno dahil ito ay mayroong batayang batas—ang Republic Act (RA) No. 11310 o ang 4Ps Act.
“Wag natin kakalimutan, 4Ps is a law. It’s not just a regular program, it’s not just a project that comes and goes. It’s a law. It has specific beneficiaries. It has specific objectives and therefore the funding has to be secured to support the intent of the program,” giit ni Suarez.
Sinabi ni Suarez na makabubuti kung gagamitin ng Kamara ang oversight function nito upang silipin ang mga budget realignment.
“Now of course, with this revelation that we found out a few days ago, I think it is incumbent upon the House to find out kung ano ang naging epekto nito sa programa, number 1. (And) number 2, kung ilang milyong Pilipino at household ang naapektuhan sa (realignment ng pondo sa) programang ito,” paliwanag ni Suarez.
Nauna rito, umapela si House Assistant Minority Leader at 4PS Partylist Rep. JC Abalos II kay Sen. Marcos na huwag na muling bawasan ang pondo para sa 4Ps program ng DSWD.
“I would like to respectfully appeal to my fellow lawmakers, particularly to the members of the upper House. Senator Imee happens to be the chairperson and sponsor of the DSWD so napakahalaga po ng kanyang role,” wika ni Abalos.
"2023 was a crucial year because if you look at the GAA, nagbayad din tayo sa utang natin sa mga 4Ps beneficiaries ng 2017 and 2018 … We do not want the same mistake of having delays in cash grants,” dagdag pa nito.
"I am just respectfully saying na eto po ang consequence ng pag slash ng P13 billion," saad pa ni Abalos.
Dahil sa ginawa umanong pagbawas ng pondo ng Senado, naantala ang pagbibigay ng ayuda sa mga benepisyaryo. (END)
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home