MGA ILIGAL NA IMPORTASYON NG TABAKO, INAPRUBAHAN NG KOMITE BILANG PAGSABOTAHE SA EKONOMIYA
Inaprubahan ngayong Martes ng Komite ng Agriculture and Food sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Quezon Rep. Wilfrido Mark Enverga ang House Bill 3917, na mag-aamyenda sa Sections 3 at 4 ng Republic Act 10845, o ang "Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016." Ang panukalang batas ay iniakda nina Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos at PBA Rep. Margarita Ignacia Nograles. Layon ng HB 3917 na isama ang hilaw na sangkap at produkto ng tabako bilang mga produktong pang-agrikultura, kung saan ang iligal na pag-angkat nito ay maituturing na pagsabotahe sa ekonomiya. Sa kanyang pag-isponsor ng panukala, sinabi ni Nograles na ang bawat pagkawala ng kita mula sa ipinagbabawal na kalakalan ng tabako ay nagkakait sa bansa ng kinakailangang pondo, upang masuportahan ang iba't ibang programa ng pamahalaan, partikular ang mga programang pang-ekonomiya ng mga lalawigang gumagawa ng tabako, gayundin ang pangkalahatang paglalaan para sa edukasyon at iba pang mga kapakanan ng programang panlipunan. Bukod sa pagkawala ng kita ng pamahalaan, ipinahayag din ni Deputy Speaker Kristine Singson-Meehan na ang mga ipinupuslit at ilegal na sigarilyo ay kumakain ng malaking bahagi sa merkado, na siya namang nakakasira sa lehitimong industriya kung saan umaasa ang mga magsasaka at manggagawa para sa kanilang kabuhayan. Lumikha din ang Komite ng Technical Working Group (TWG), upang pagsama-samahin ang HB 319, na naglalayong taasan ang parusa para sa malakihang pagpupuslit sa agrikultura; at HB 3596, na kung saan ay mag-uuri sa malakihang pagmamanipula ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura bilang pagsabotahe sa ekonomiya. Aamyendahan rin ng dalawang panukalang batas ang RA 10845, na iniakda nina Benguet Rep. Eric Go Yap at Albay Rep. Joey Sarte Salceda, ayon sa pagkakabanggit. Ang TWG ay pamumunuan ni Committee Vice-Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing. Tinalakay din ng Komite ang House Resolution 24, na nagsisiyasat sa pagpapatupad at pagiging epektibo ng RA 10845 sa pagsugpo ng pagpupuslit ng produktong agrikultura; at HR 108, na nag-iimbestiga sa patuloy na pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa sa kabila ng mga umiiral na batas at regulasyon.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home