Wednesday, November 09, 2022

MGA PINAGSAMANG PANUKALA NA NANANAWAGAN PARA RATIPIKAHAN ANG ILO CONVENTION 190, AT REVISED NATIONAL APPRENTICESHIP PROGRAM, PINAGTIBAY NG KOMITE

Pinagtibay ngayong Miyerkules ng Komite ng Labor at Employment ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Juan Fidel Felipe Nograles (4th District, Rizal) ang apat na pinagsama-samang panukala, na nananawagan para sa agarang ratipikasyon ng Philippine Government of International Labor Organization (ILO) Convention No. 190 (C190), na kilala rin bilang Violence and Harassment Convention of 2019. Ito ay ang House Resolution (HR) 32 na inihain ni Deputy Speaker Raymond Democrito Medoza; HR 85 ni Rep. Maria Rachel Arenas (3rd District, Pangasinan); at HR 271 ni Rep. Arlene Brosas (Party-list, GABRIELA). Sa kanyang talumpati sa pag-isponsor, sinabi ni Arenas na ang ILO Convention 190, kasama ang Recommendation 206, ay isang groundbreaking moment ng kasaysayan sa trabaho dahil ito ang unang pandaigdigang kasunduan na kumikilala sa karapatan ng lahat sa mundo ng trabaho, na maging malaya mula sa karahasan at panliligalig. Ipinaliwanag niya na ang pandaigdigang kasunduan ay naglalayong labanan ang lahat ng uri ng karahasan, at panliligalig sa lahat ng mga lugar ng trabaho, na kinakaharap ng lahat ng uri ng manggagawa, na sumasaklaw sa pribado at pampublikong sektor, pormal at impormal na ekonomiya, at mga lungsod at kanayunan, kung saan ang karahasan at panliligalig na umiiral sa mundo ng trabaho. Gayundin, sinabi ni Mendoza na ang pagratipika ng C190 ay magtatatag sa kasalukuyang administrasyon at sa bansa, bilang moderno o modernisasyon. “It will signal that our labor relations and economic programs are promoting a race to the top, hence making our nation more attractive for foreign direct investments (FDIs),” aniya. Idinagdag niya na ang pagratipika ng C190 ay kailangang madaliin dahil din sa katotohanan na milyon-milyong mga overseas Filipino workers (OFWs) ang nangangailangan ng proteksyon mula sa anumang uri ng karahasan, at panliligalig sa kanilang mga host country. Samantala, inaprubahan ng Komite ang mosyon para pagsama-samahin at aprubahan, na napapailalim sa istilo at mga pagbabago, ang limang hakbang na tumatalakay sa binagong pambansang programa sa pag-aprentis. Ito ay ang HB 20 ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, Rep. Yedda Marie Romuladez (Party-list, TINGOG), Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, at Rep. Jude Acidre (Party-list, TINGOG); HB 1680 ni Rep. Patrick Michael Vargas (5th District, Quezon City); HB 4651 ni Rep. Michael Romero (Party-list, 1- PACMAN); HB 5156 ni Rep. Gerville Luistro (2nd District, Batangas); at HB 5657 ni Rep. Gus Tambunting (2nd District, Parañaque City). Kabilang sa mga usapin at alalahanin sa pagtalakay sa mga panukalang batas, ay ang insurance para sa mga apprentice, ang panahon ng pag-aaprentice, at ang probationary period. Isasaayos ng Komite ang mga pinagtatalunang probisyon, at magpupulong muli para sa isa pang pagdinig.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home