Wednesday, November 09, 2022

DANGEROUS DRUGS OVERSIGHT COMMITTEE, PINAGTIBAY NG KOMITE; MGA PANUKALANG BATAS NA SUMUSUPORTA SA KAMPANYA LABAN SA ILEGAL NA DROGA, TINALAKAY


 Pinagtibay ngayong Miyerkules ng Komite ng Dangerous Drugs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, ang House Joint Resolution 7, na nagpapalawig sa operasyon ng Congressional Oversight Committee on Dangerous Drugs ng 10 pang taon mula ika-4 ng Hulyo 2022 hanggang ika-4 ng Hulyo 2032. Inaprubahan din ng mga mambabatas ang kaukulang ulat ng Komite nito. Samantala, bumuo ang Komite ng mga technical working groups (TWG) upang talakayin ang mga panukala na: 1) mag-aamyenda sa ilang probisyon ng Republic Act 9165, o kilala bilang “Comprehensive Dangerous Drugs of 2022”, na pamumunuan ni Leyte Rep. Richard Gomez DPA, 2) paglikha ng mga lupon kaugnay ng pag-abuso laban sa iligal ng droga sa lahat ng probinsya, lungsod, munisipalidad, at barangay sa buong bansa, na pamumunuan ni ANAKALUSUGAN Rep. Ray Florence Reyes, 3) pagtatatag ng sentro ng rehabilitasyon ng droga sa bawat rehiyon, na pamumunuan ni PATROL Rep. Jorge Bustos, at 4) pagpapalawak ng saklaw at sakop ng RA 4200, o ang “Anti-Wiretapping Law,” upang palakasin ang mga kakayahan ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas, na pamumunuan ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella. Bukod pa rito, nagsagawa din ang Komite ng mga paunang deliberasyon sa: 1) HB 91, na magtatatag ng Magna Carta sa mga benepisyo para sa mga opisyal at kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency, 2) HB 2161, na magtatatag ng isang programa sa edukasyon na idinisenyo upang tulungan ang lahat ng kasapi ng komunidad ng institusyong pang-edukasyon, upang maiwasan ang pagkakasangkot sa ilegal na droga, 3) HB 2108, na nagsasaad ng pananagutang sibil sa mga nagbebenta ng droga, sa mga taong napinsala dahil sa ilegal na droga, at 4) HB 2605, na magpapatibay sa mga hangganan ng Pilipinas, upang mas maging epektibo ang pagbabawal laban sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa. Ang mga ahensyang may kinalaman, kabilang ang Dangerous Drugs Board at Philippine Drug Enforcement Agency, at iba pa, ay hiniling na magsumite ng kanilang mga posisyong papel, na isasaalang-alang sa pagsasama at pagpapabuti ng mga panukala, gayundin sa pagbalangkas ng mga substitute bill.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home