MGA PANUKALA NA NAGBIBIGAY NG UNIVERSAL SOCIAL PENSION PARA SA MGA SENIOR CITIZENS, PINAGSAMA-SAMA NG KOMITE
Inaprubahan ngayong Martes ng Special Committee on Senior Citizens ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Rodolfo Ordanes (Party-list, SENIOR CITIZENS) ang pagsasama-sama ng ilang panukala, na magbibigay ng universal social pension para sa mga senior citizens.
Ito ay ang House Bill 1704 na inakda nina Reps. Horacio Suansing, Jr. (2nd District, Sultan Kudarat) at Mikaela Angela Suansing (1st District, Nueva Ecija); HB 2278 ni Rep. Gerville Luistro (2nd District, Batangas); HB 2485 ni Rep. Raul Angelo Bongalon (Party-list, AKO BICOL); HB 3137 ni Ordanes; HB 3275 ni Rep. Bernadette Escudero (1st District, Sorsogon); HB 3642 ni Rep. Patrick Michael Vargas (5th District, Quezon City); at HB 5041 ni Rep. Kristine Alexie Tutor (3rd District, Bohol).
Sa kanyang pambungad na pananalita, sinabi ni Ordanes na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito at suporta ng mga miyembro ng Komite, mas mapapaunlad pa ang kapakanan at kalidad ng buhay ng mga senior citizen.
“This is not only to recognize their contribution to nation-building in the past but to continue to address their needs as active members of our society,” ani Ordanes.
Sa kanyang komento sa mga panukala, inihayag ng kinatawan ng DSWD na si Miramel Garcia-Laxa ang suporta ng ahensya sa mga panukalang batas, at isa sa kanilang mga rekomendasyon sakaling maisabatas ang mga panukalang batas ay ang universal social pension program, na ipatupad ng mga local government units (LGUs) sa pamamagitan ng kanilang lokal na pondo, para sa mga senior citizen na hindi pa sakop ng DSWD social pension program.
Samantala, ipinagpaliban ang deliberasyon sa mga hakbang na naglalayong dagdagan ang social pension ng mga mahihirap na senior citizens dahil ang mga ito ay nasakop na rin ng Republic Act 11916.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home