PANUKALANG BATAS NA GREEN PUBLIC PROCUREMENT, INAPRUBAHAN; PROGRESO NG 17 SDGs, TINALAKAY NG KOMITE
Nagsagawa ng kanilang unang pagpupulong ngayong Martes ang Komite ng Sustainable Development Goals sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni CIBAC Rep. Eduardo "Bro. Eddie" Villanueva, at inaprubahan ang House Bill 1272, o ang "Green Public Procurement Act," batay sa istilo at mga susog.
Ang panukala ay iniakda nina Camarines Sur Reps. Luis Raymund "LRay" Villlafuerte Jr., Miguel Luis Villafuerte at Tsuyoshi Anthony Horibata, gayundin ni BICOL SARO Rep. Nicolas Enciso VIII. Sa kanyang pag-isponsor ng panukala, ipinahayag ni Horibata na ang layunin ng panukalang batas ay atasan ang lahat ng departamento, tanggapan at ahensya ng pamahalaan na magtatag ng kani-kanilang Sustainable Procurement Program, na isasaalang-alang ang pinakamababang halaga ng mga produkto at serbisyo.
Layunin din aniya ng panukalang batas na isama ang sistema ng pagkokodigo para sa mga materyales ng pagpapakete at mga produkto, upang mapadali ang pag-recycle ng basura at muling paggamit nito. Ang HB 1272 ay isang panukalang batas na muling inihain na naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong nakaraang Kongreso.
Samantala, ipinaalam ng National Economic and Development Authority (NEDA) at United Nations Development Programme (UNDP) sa Komite ang kasalukuyang progreso, at mga susunod na hakbang ng bansa sa pagkamit ng 17 Sustainable Development Goals (SDGs), gayundin ang pangako ng bansa sa 2030 SDG Agenda.
Sinabi ni NEDA Assistant Secretary for Policy Planning Sarah Lynne Daway-Ducanes na nahuhuli ang bansa sa SDGs 4 o ang Quality Education; 7 o ang Affordable and Clean Energy; 8 o ang Decent Work and Economic Growth; 9 o ang Industry Innovation and Infrastructure; at 12 o ang Responsible Consumption and Production.
Ipinaliwanag niya na ang bansa ay nahuhuli sa adyenda na ito na ang pangunahing dahilan ay ang kasalukuyang pandemya na dulot ng COVID-19.
Ipinahayag naman ni Assistant Secretary Daway-Ducanes na sa mga susunod na hakbang ng bansa tungo sa pagkamit ng SDGs ay dapat isama ang mga mekanismo tulad ng: 1) isang plano sa pagpopondo at epektibong mobilisasyon ng kapital, 2) mahigpit na pagsubaybay sa mga palatandaan ng SDG, 3) higpitan ang SDGs, at 4) pagtatatag ng pakikipag-ugnayan sa mga nagsusulong.
Samantala, tinalakay ni UNDP Deputy Resident Representative Edwine CarriƩ ang mga pinakamahusay na pandaigdigang kasanayan, gayundin ang mga oportunidad para sa bansa na makamit ang SDGs.
Pinangunahan ni Committee Vice-Chairperson at Bukidnon Rep. Jose Manuel Alba ang pagpupulong ngayong araw.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home