MGA TWG NILIKHA UPANG TALAKAYIN ANG MGA PANUKALANG BATAS NA MAGBIBIGAY DAAN SA PAGPASOK NG MGA BUWIS, VAT REFUND PARA SA MGA TURISTA
Isang technical working group (TWG) ang nilikha ngayong Lunes ng Komite ng Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, upang ayusin ang mga probisyon ng House Bill 3261, na nagtatatag ng isang online portal para sa isang tapat na pagkolekta ng pambansang buwis, na kikilalanin bilang ang “What-You-See-Is-What-You-Get Tax Transparency Program.”
Sinabi ni Rep. Salceda, may-akda ng panukalang batas, na sa panukalang National Tax Transparency Portal, makikilala ang mga pagsisikap ng mga ahensyang nangongolekta ng buwis, habang mapaghuhusay ang pagiging tapat at may pananagutan.
Sa ilalim ng panukalang ito, ipag-uutos sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at sa Bureau of Customs (BOC) ang pagtatala sa totoong-oras ng mga transaksyon na madaling mapuntahan ng mga nagbabayad ng buwis at ng publiko, habang pinapanatili ang pagiging pribado ng mga impormasyon.
Naobserbahan ni Batangas Rep. Gerville Luistro na nakakatulong ang portal sa mga ahensyang ito na manumbalik ang tiwala ng mga tao, gayundin ang paghikayat sa mas maraming mga mamumuhunan na magnegosyo sa bansa. Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang karapatan ng mga tao sa pagiging pribado ay dapat na lubos na igalang sa pagpapatupad nito.
Ang TWG ay pamumunuan ni Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr. Lumikha rin ang Komite ng TWG, na pamumunuan ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing, upang talakayin ang panukalang programang value added tax (VAT) refund para sa mga dayuhang turista.
Sinabi ni Salceda na ang nasabing aksyon ay positibong makakaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Isang panukalang batas hinggil sa programa ang inaasahang maihain sa loob ng araw ding iyon, ayon kay Salceda.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home