Inaasahang pagtitibayin ng Kamara ang panukalang nagsusulong ng pagtatayo ng “Disaster Food Bank and Stockpile” sa bawat probinsya at “highly-urbanized” na mga siyudad sa bansa.
Hangad ng House Bill 8463, na nakalusot na sa ikalawang pagbasa --- na tiyakin na mayroong suplay ng mga pagkain, tubig, gamot at bakuna, maging potable power at light source, mga damit, tents at communication devices tuwing panahon ng kalamidad, na dapat pawang nakalagay sa “strategic positions.”
Ayon kay Dinagat Islands Rep. Allan Ecleo, chairman ng House Committee on Disaster Resilience --- mahalagang maisabatas ang panukala lalo’t ang Pilipinas ay madalas na sinasalanta ng mga sakuna at katulad, bukod pa sa ramdam na ang epekto ng “climate change.”
Kapag naging ganap na batas --- ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pagtatayo ng stockpile.
Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) naman ang magd-disenyo at magtatayo ng mga calamity-proof warehouse kung saan itatago ang mga supply. Ang lokasyon ay tutukuyin ng NDRRMC.
Isang computerized system naman ang gagawin para sa “real-time monitoring” ng petsa ng expiration at shelf-life ng goods na ilalagak sa stockpile upang maiwasan ang pagka-sayang at pagka-bulok ang mga ito.
Ang DSWD ay binibigyan naman ng kapangyarihan na ipamigay sa mga mahihirap ang mga produkto, 12-buwan mula nang ilagay ang mga ito sa warehouse.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home